Post Office, magsasagawa ng weekend ‘plaza-type’ distribution para sa unclaimed national IDs

Magsasagawa ang Philippine Postal Corporation (Post Office) ng “plaza-type” na distribusyon ng mga national IDs na hindi natanggap ng mga may-ari nito nang ideliber sa kanilang tahanan.

Sa Laging Handa public briefing nitong Lunes, sinabi ni Postmaster general at CEO Norman Fulgencio, na nakikipag-ugnayan na sila sa mga kapitan ng barangay para sa naturang aktibidad na plano nilang idaos tuwing weekend para maipamahagi na ang mga unclaimed national IDs.


“May ginagawa tayong schedule sana on a Sunday maipatawag ng kapitan na mai-organize para lahat noong mga nasa partikular na area na yun mai-deliver natin yung ating mga IDs doon sa plaza, basketball courts, o barangay hall,” ayon pa kay Fulgencio.

Ipinaliwanag ni Fulgencio na ang ilan sa mga may-ari ay wala sa kanilang mga tahanan nang ideliber ang kanilang mga national IDs kaya’t hindi nila natanggap ang mga ito.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 92 milyong Pinoy ang eligible para tumanggap ng national IDs.


Hanggang noong Hulyo 8, 2022 naman aniya ay nasa 14,033,000 IDs pa lamang ang naideliber nila sa mga may-ari nito at mayroon pang 700,000 national IDs sa kanilang tanggapan ang hindi pa naidedeliber.

Paglilinaw naman ni Fulgencio, wala silang kinalaman sa pagkaantala ng distribusyon ng mga IDs dahil ang trabaho aniya nila ay ideliber lamang ang mga ito.


Ang naturang isyu aniya ng delay sa delivery ay dapat na tanungin sa PSA.

Tiniyak naman ni Fulgencio na tatlong ulit na tatangkain ng Post Office na ideliber ang mga IDs.


Maaari rin naman aniyang i-track ng publiko ang kanilang national IDs sa website ng Post Office. (Jaymel Manuel)

Tags: Philippine Postal Corporation (Post Office)

You May Also Like

Most Read