Latest News

PNP, NANINDIGAN SA RAID SA BAHAY NI TEVES, MGA TAUHAN NITO, KINASUHAN

NANINDIGAN ang pamunuan ng Philippine National Police na legal at naayos sa wastong procedures ang ginawang pagsalakay ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at mga tauhan ng Philippine Army na nagpatupad ng search WARRANT sa ilang bahay ni Congressman Arnulfo Teves na nakuhanan ng mga baril.

Ito ay makaraang tuligsain ng legal team ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo “Arnie” Teves Jr. sa pangunguna ni Atty. Ferdie Topacio , na ‘moro- moro, illegal and irregular” ang ginawang composite raid sa mga bahay at resort ng mga Teves at planted din umano ang mga nakuhang baril .

Iginiit ng PNP na lehitimo at hindi ilegal ang ginawang pagsalakay ng kanilang mga tauhan sa mga bahay ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo “Arnie” Teves Jr.


Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, sumunod ang unit ng PNP-CIDG sa lahat ng procedures sa paghahain ng bitbit nilang search warrant na inisyu ng Mandaue City RTC.

Sinabi pa ni Col Fajardo na nakasuot pa nga ng body camera ang mga pulis na sumalakay sa mga tahanan ni Teves at may mga testigo sila na mga kinatawan ng mga barangay sa ginawang operasyon.

Ginawa ni Fajardo ang pahayag makaraang umalma ang kampo ni Teves sa nasabing raid dahil sa ito umano ay ilegal.

Ayon kina Atty. Topacio, Atty. Roberto “Toby” Diokno, Jr. at Atty. Edward Santiago na bumubuo ng legal team ni Cong Teves, hindi magtatago ng baril ang kongresista dahil buwan pa lamang ng Enero ay may natanggap na itong intel na sasalakayin ang kanyang bahay at hahanapan ng baril at kung wala umanong makita ay tataniman ito.


Katunayan umano ay buwan pa lamang ng Enero ay ibinulgar na ito ni Teves sa media dahil sa pangambang totohanin ang nasabing impormasyon na sasalakayin ang kanyang bahay at hahanapan ng mga iligal na sandata.

Nabatid na sa isinagawang raid, 10 short firearms, anim na rifles, tatlong granda, 22 magazine ng baril at daan-daang mga bala ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Kaugnay ng nasabing raid ay hinuli rin ang ani na tauhan ni Teves na inabot sa loob ng mga pinasok na bahay.

Napag alamang isinalang na ang anim sa inquest proceedings sa harap ng mga State Prosecutors ng Department of Justice matapos na maaresto ng mga otoridad noong March 10, 2023 bunsod ng kinasang simultaneous implementation ng Search Warrants sa mga properties ng kongresista sa Basay at Bayawan City sa Negros Oriental.


Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group acting director PBGEN Romeo Caramat Jr., isinampa ang reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at paglabag sa Republic Act 9516 o ang Law of Explosives laban kina Jose Pablo Gimarangan, Roland Aguisanda Pabnlio.

Habang infringement naman sa Republic Act 10591 ang isinampa laban sa kaniyang sekretaryang si Hannah Mae, Heracleo Sangasin Oray, Rodolfo Teves Maturan a.k.a. Jojo Maturan, at Joseph Kyle Catan Maturan.

Samantala, bagama’t wala sa lugar sina Cong. Teves, at Kurt Matthew Teves, at Axel Teves nang ikasa ng mga otoridad ang naturang operasyon ay sinabi ni PNP-CIDG na sasampahan pa rin sila ng mga criminal complaint dahil sa paglabag sa RA 10591 at RA 9516 sa lalong madaling panahon.

Kasunod nito target ngayon ng PNP-CIDG na alamin kung sino ang supplier ng iba’t ibang armas na nakumpiska sa isinagawang raid ng mga awtoridad sa bahay ni Rep Arnie Teves at mga armas na nakumpiska sa mga nadakip na suspek matapos ang pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags:

You May Also Like

Most Read

Menu