INALERTO ng United Nations (UN) ang mga bansa kabilang ang Pilipinas hinggil sa nakaambang pagpapakalat ng “Happy Water,” isang makabagong illegal drug na gawa sa kombinasyon ng limang synthetic substance.
Ayon kay PNP-Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) Director BGen Faro Antonio Olaguera, inalerto ng United Nations ang international community tungkol sa “Happy Water” at sa posibleng epekto nito.
Nabatid na nagsimula nang kumalat ang “Happy Water” sa Thailand at Myanmmar na pinangangambahan ang epektong dulot sa isip at kalusugan ng mga gagamit nito.
Bunsod nito, bantay-sarado ngayon ang PNP Drug Enforcement Group sa panibagong uri ng ilegal na droga na nagsimula nang sumikat sa mga party-goers sa ibang bansa.
Kaugnay nito ay nakipag-ugnayan na ang PNP-PDEG sa Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang ahensiya ng gobyerno na huwag makalusot sa bansa ang nasabing bagong uri ng droga na lubhang mas mapanganib ang epekto, kumpara sa iba pang uri ng party drugs tulad ng ecstasy, ketamine, shabu, Diazepam at Tramadol na isang uri ng pain killer.
Lumitaw sa pag-aaral na ang ‘Happy Water’ ay isang uri ng droga na maaaring ihalo sa anumang klase ng inumin o pagkain na hindi madaling nade-detect ng mga awtoridad.
Paliwanag ni Olaguera, pinaniniwalaang mas delikado ang “Happy Water” kumpara sa iligal na droga dahil sa euphoric effect nito kung saan ‘odorless’ at ‘colorless’ umano ang bagong iligal na droga.
Ilan umano sa mga epekto nito ay ang mabilis na pagtibok ng puso, pagtaas ng blood pressure, sakit ng ulo, pagsusuka, hallucination at overdose na maaaring humantong sa kamatayan.