PORMAL nang winakasan kahapon ang Phil.-US Balikatan 37-2022, ang pinakamalaking war exercise ng dalawang magka alyadong bansa dalawang buwan bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Isinagawa ang closing ceremony sa Armed Forces of the Philippines (AFP) General Headquarters sa Camp Aguinaldo na pinangunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino, AFP Balikatan 2022 Exercise Director Maj. Gen. Charlton Sean Gaerlan, US exercise Director Representative BGen. Joseph Clearfield at US Embassy Charge d’ affaires Heather Variava at Defense Undersecretary Cardozo Luna.
Ayon kay BGen. Clearfield, naging matagumpay ang Balikatan 2022 dahil ipinakita nito ang pagkakaisa ng Pilipinas at Estados.
Nagbunga rin umano ito ng kapaki-pakinabang na resulta dahil sa pagharap ng dalawang bansa sa iba’t ibang hamon.
Kinumpirma ni Gaerlan ang pahayag ni Clearfield at sinabing tagumpay ang Balikatan dahil nakamit nito ang layunin ng joint military exercise na palakasin ang security cooperation ng Pilipinas at Estados Unidos.
Samantala, pinasalamatan naman ni AFP chief ang lahat ng mga nakiisa sa Balikatan kabilang ang mahigit 9,000 sundalong sumabak sa pagsasanay.
Sa kabila kasi ng pandemya ay naisakatuparan pa rin ito at natapos ang lahat ng aktibidad.
Ayon pa kay Gen Centino mahalaga ang Balikatan dahil nakatutulong ito sa mga sundalong Pilipino sa paghasa ng kanilang kakayahan gamit na ang mga bagong equipments na binili ng AFP.
Ginamit sa nasabing war exercise ng U.S. at Pilipinas ang mahigit sa 50 aircraft, apat na barko , 10 amphibious craft, apat na HIMARS rocket system launchers, at apat na Patriot missile systems.
Ang Balikatan 2022 ay ang ika-37 balikatan at pinakamalaking joint military exercise na nilahukan ng ng 3,800 tauhan ng AFP at 5,100 na miyembro ng U.S. military.
Kabilang sa mga inilatag na pagsasanay sa area sakop ng Northern Luzon Command na pinamumunuan ni Lt Gen Ernesto Torres Jr.ang maritime security, amphibious operations, live-fire training, urban operations, aviation operations, counterterrorism, at humanitarian assistance and disaster response.
“This year’s Balikatan is a testament to the resiliency of the Philippines-United States alliance as we remain strong partners even after the various challenges we have encountered in the past two years,” ani General Centino.
“After two years of a global pandemic, U.S. and Philippine forces have come together to complete one of the largest Balikatan exercises ever held. This is a testament to the strength of the U.S.-Philippine alliance and the shared priorities of our countries,” pahayag naman ni Ms Variava. (VICTOR BALDEMOR)