Ni Mark Alfonso
UMAASA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na balang araw posibleng itigil na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang conditional cash transfer program ng bansa.
Ito ay makaraang pangunahan ang Walang GUTOM 2027: Food Stamp Program Kick-off Activity sa Tondo, Maynila kasama sina Bise Presidente Sara Duterte-Carpio, DSWD Secretary Rex Gatchalian at Mayor Honey Lacuna-Pangan.
“Sana, Ibig sabihin kasi kapag kaya nating itigil yan… ibig sabihin wala nang nangangailangan. Eh maganda talaga kung maabot natin yun,” reaksyon ni Marcos sa isang panayam kung tatanggalin na ang 4Ps ngayong may food stamp program na.
Ayon sa Pangulo, magpapatuloy pa rin sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipino lalo na sa mga apektado ng kalamidad ngunit ang 4Ps ay maaaring makatulong lamang na maitawid sila sa kahirapan.
“Pero kahit papaano kung minsan tinatamaan halimbawa ng bagyo, tinatamaan ng peste, tinatamaan ng kung anu-ano eh kailangan pa rin tulungan.”
“‘Yung 4Ps eh yun pantawid yun e. So kung hindi na kailangan mag tawid ibig sabihin may trabaho na, may kaya na ang tao, kahit man lang mapakain ang sarili, ang pamilya, sana umabot tayo sa ganun,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.
Nabatid na ang mga target na benepisyaryo sa food stamp program ay makakatanggap ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 na magagamit sa pagbili ng pagkain mula sa DSWD-accredited local retailers. Ang programa ay sa pakikipagtulungan ng Asian Development Bank (ADB) na nagbigay ng 3 milyong dolyar para sa anim na buwang pilot run food program.