Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroong sapat na suplay ng asukal sa bansa.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang lingguhang vlog at batay sa sugar inventory ay walang pangangailangang mag-angkat ng panibagong supply.
Mayroon aniyang sapat na supply ang lokal na industriya na maaaring gamitin bago pag-isipan ang pag-angkat ng asukal.
“Nakita ko naman may sapat na suplay dito na nandito na sa Pilipinas. So sabi ko, ‘bakit ‘di natin unahin ‘yan dahil ‘yan ay galing dito sa Pilipinas?’ At mayroon na rin tayong na-import noon na naka-imbentaryo ngayon. So bago tayo mag-import ng panibagong asukal, dapat sabi ko ubusin na muna natin ang suplay dito,” anang Pangulo.
Sinabi ng Presidente na maingat na pinag-aaralan at binabalanse ang importasyon ng asukal gayundin sa mga butil at feed wheat para masiguro ang seguridad ng pagkain sa bansa.
Gagawin lamang ang pag-aangkat kung kailangang-kailangan para hindi magtaas ang presyo nito sa pamilihan.
“Ang mahirap talaga dito,ayaw na ayaw natin mag-import. Ngunit kung hindi sapat ang suplay ng pagkain, mapipilitan talaga tayo mag-import dahil kung hindi tayo mag-import at mababa ang suplay, magtataasan naman ang presyo. Hindi natin maaaring gawin ‘yun sa taumbayan,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Presidente na titiyaking hindi sobra-sobra sa pangangailangan ang aangkating asukal para hindi makompromiso ang lokal na produksyon ng mga magsasaka.














