PINANGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand Marco, Jr., at Armed Forces chief of Staff, General Romeo Brawner ang paggunita ng ‘National Heroes Day’ na tinampukan ng pag-aalay ng bulaklak sa ‘tomb of the unknown soldiers’ sa Libingan ng mga Bayani kahapon.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Kabayanihan ng Pilipino sa Panahon ng Pagbabago”. Nagbigay-pugay ang AFP sa kagitingan at sakripisyo ng mga bayani ng ating bansa kasabay pagdiriwang ng National Heroes’ day ngayong araw.
Matapos ang flagraising ceremony ay sinundan ito ng wreath-laying ceremony, kung saan binigyang-papuri nina President Marco, Jr., kasama si Gen. Brawner, ang mga taong nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa bayan bilang simbolo naman ng pagkilala at pasasalamat ng sambayanan sa kanilang kabayanihan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang hindi malilimutang alaala ng mga bayaning Pilipino at ang kahalagahan ng pananatili ng kanilang ‘values of courage and selflessness.’
“Our heroes’ stories of courage, resilience, and patriotism bear even greater significance now that we are on the journey to becoming a truly revitalized and united nation. In honoring our heroes, we affirm as our own the values, virtues, and ideals they stood for,” ani PBBM.
Sa naturang seremonya, bukod sa mga yumaong sundalo at pulis na nag- alay ng kanilang buhay ay kinilala rin ni Pangulong Marcos ang kontribusyon ng mga ‘unsung heroes’ sa pagpapaunlad at pagpapatatag ng bansa.
Partikular dito ang mga magsasaka, manggagawa na nagpapasigla ng ekonomiya at mga gurong naghuhulma ng isipan ng mga kabataan.
Binigyang-pugay rin ng Pangulo ang health workers na nagliligtas ng buhay at tumutugon sa pangangailangan ng publiko.
Nanawagan ang Pangulo na huwag kalimutan ang mga nakipaglaban para makamit ang kalayaan.
Ang kanilang hindi matatawarang katapangan at dedikasyon, aniya, ang naging daan para sa kalayaan at kaunlarang ating tinatamasa sa kasalukuyan.
Hinimok din nito ang publiko na gawing inspirasyon ang ating mga ninuno sa pagsusulong ng Bagong Pilipinas.














