PAGSIBAK SA EMPLEYADONG MAY HIV, ILIGAL – SC

By: Philip Reyes

Inihayag ng Korte Suprema ang pagsibak sa isang empleyado na nagpositibo sa HIV bilang iligal.

Batay sa 14-pahinang desisyon ng ikatlong dibisyon ng Korte Suprema na na-promulgate noong Pebrero, ibinasura nito ang petisyong inihain ng isang recruitment agency na kumukuwestiyon sa ruling ng Court of Appeals (CA) na nagsabing ang ginawa nitong pag-dismiss sa isa nilang empleyado ay ‘discriminatory.’


Sinabi ng Supreme Court (SC), bagamat totoo ang sakit ay maaaring gamiting ‘ground’ sa termination sa trabaho sa ilalim ng Article 299 ng Labor Code, ang pagiging HIV-positive ay hindi pa itinuturing na sakit o karamdaman kaya’t wala pa umanong dahilan upang sibakin sa trabaho ang isang empleyado.

Sa rekord ng hukuman, idineploy ng naturang recruitment agency ang empleyado sa Saudi Arabia noong Oktubre 2017 bilang tagalinis.

Matapos ang 15 -buwang pagtatrabaho, natuklasang positibo sa HIV ang empleyado, dahilan upang sibakin siya sa trabaho ng kanyang foreign employer.


Sinabi ng foreign employer na alinsunod sa Saudi Arabian laws, ang isang HIV-positive na indibidwal ay ikinu-konsiderang ‘unfit for work.’

Bunga niyan ay naghain ang empleyado ng reklamong illegal dismissal, ngunit dinismis ito ng labor arbiter.


Ang ruling ay binaligtad naman ng National Labor Relations Commission (NLRC), na nagsabing ang recruitment agency at iba pa ay dapat papanagutin sa illegal dismissal.

Pinagtibay naman ng Court of Appeals ang NLRC sa desisyon nito, dahilan upang maghain ng petisyon ang ahensiya sa Korte Suprema.


Sa pagdedesisyon pabor sa empleyado, sinabi ng kataas-taasang hukuman na sa ilalim ng Philippine HIV and AIDS Policy Act, itinuturing na ‘unlawful’ para sa isang empleyado na masibak sa trabaho na ang basehan lamang ay ang kanyang HIV status.

“While it is true that disease may be a ground for termination under Article 299 of the Labor Code, as amended and renumbered, [the recruitment agency] conceded that ‘HIV positive is not yet an illness/disease’,” ayon sa SC.

“There being no other reason proffered for AAA’s dismissal apart from his HIV status , the Court upholds the ruling of the CA that the NLRC did not commit grave abuse of discretion in finding that AAA was illegally dismissed,” dagdag pa nito.



“Further, if the foreign law stated in the employment contract contradicts Philippine law, morals, good customs, public order, or public policy, then Philippine law shall apply,” ayon pa sa SC.

“In this case, even if it is proven that Saudi Arabian law prohibits workers who test positive for HIV, RA 11166 takes precedence over it for being against Philippine law,” saad ng Korte Suprema.

Tags: Supreme Court (SC)

You May Also Like

Most Read