Binigyang-diin ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagbibigay-pugay at pagkalinga sa mga maysakit at nagdurusa.
Ito ang mensahe ni Bishop Santos kaugnay sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Lourdes, kasabay ng ika-33 Pandaigdigang Araw ng May Sakit o World Day of the Sick ngayong araw.
Ayon kay Bishop Santos, hindi lamang tungkol sa pisikal na paghihirap ang paggunita, kundi pati na rin sa lakas ng loob, pag-asa, at pananampalatayang nagpapalakas sa panahon ng pagsubok.
“We come together to honor and support those who are battling illness and pain. Today, we not only remember the physical struggles but also celebrate the resilience, hope, and faith that carry us through difficult times,” mensahe ni Bishop Santos.
Ipinahayag ni Bishop Santos na ang Mahal na Birhen ng Lourdes ay sagisag ng pagpapagaling at biyaya, na nagpapaalala sa bawat isa ng kapangyarihan ng malasakit, panalangin, at pagkakaisa sa paglalakbay.
Pinasalamatan din ng obispo ang mga may karamdaman, kanilang mga pamilya, at mga tagapag-alaga na patuloy na nagpapakita ng katatagan at pag-asa upang makamtan ang kagalingan at kapanatagan ng puso.
“Together, let us pray for healing, comfort, and peace for all who suffer, and may we always be guided by the light of mercy and compassion,” ayon kay Bishop Santos.
Samantala, nagtalaga ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ng mga paring magiging katuwang sa pangangasiwa sa arkidiyosesis.
Nitong February 10 alinsunod sa diwa ng synodality ni Pope Francis at ang Traslacion Roadmap ng arkidiyosesis ay iniluklok ng cardinal ang ilang mga pari sa mga mahalagang posisyon sa curia ng arkidiyosesis.
Layunin ng hakbang na mapalakas pa ang misyon ng arkidiyosesis lalo na ang paggabay sa pastoral at espiritwal na pangangailangan sa mahigit tatlong milyong nasasakupan mula sa limang lunsod sa Metro Manila.
“In our ardent desire to make the offices of the Archdiocese of Manila more effective and responsive to the needs of the times, and cognizant of the maturity, prudence, integrity, and pastoral experience of the appointees, by the grace of God and the favor of the Apostolic See, His Eminence Jose F. Cardinal Advincula, Archbishop of Manila, issued the appointment of curia officials,” bahagi ng liham sirkular ng arkidiyosesis.
Kabilang sa mga itinalaga sina Fr. Reginald Malicdem bilang Vicar General at Moderator Curiae, Chancellor si Fr. Isiro Marinay, Vice Chancellor Fr. Carmelo Arada Jr. habang kasapi naman si Fr. Aldwin Ivan Gerolao.
Itinalaga rin si Fr.Gilbert Kabigting bilang Treasurer, Director ng Audit Department si Fr. Jeremiah Adviento habang si Msgr. Noly Que, LRMS naman ang mangangasiwa sa Properties and Administration Department.














