Pagbibigay ng fuel subsidy itinigil ng LTFRB

PANSAMANTALANG sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang alokasyon ng fuel subsidy para sa mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV) dahil sa election public spending ban.

Sa panayam ng Unang Balita nitong Lunes, sinabi ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion na nasa 110,200 sa kanilang mga benepisyaryo ng PUV ang nakatanggap na ng subsidiya noong Marso 29.

Mayroong hindi bababa sa 22,000 taxi at UV Express beneficiaries na sumasailalim sa validification ng dokumento, ani Cassion, habang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nakatakdang magbigay ng subsidy sa humigit-kumulang 27,000 delivery services.


Para sa mga tricycle driver, sinabi ng LTFRB na hinihintay pa nila ang listahan ng mga benepisyaryo mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Gayunpaman, pansamantalang itinigil ang disbursement para sa mga driver at operator ng PUV dahil sa public spending ban na may bisa mula Marso 25 hanggang Mayo 8, 2022.

Sa ilalim ng Comelec’s Resolution No. 10747, kailangan ng certificate of exemption para maipatupad ang mga aktibidad at programa sa mga proyekto at serbisyo ng social welfare sa gitna ng pagbabawal na ito.

“Before the ban, nagkaroon tayo ng application sa Comelec for exemption at nagkaron na po tayo ng hearing. Sa ngayon, hinihintay na lang natin ang result ng application for exemption sa ban para maipagpatuloy natin ang pamamahagi,” sabi ni Cassion.


Habang hinihintay ang desisyon ng poll body, sinabi ng LTFRB executive na ipagpapatuloy nila ang paggawa ng nasa 86,000 Pantawid Pasada Program (PPP) cards para sa iba pang benepisyaryo.

Sinimulan ng transport sector noong Marso ang pamamahagi ng P6,500 fuel subsidies sa mahigit 377,000 qualified PUV drivers at operators para makatulong na maibsan ang kanilang kalagayan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina na dala ng patuloy na tunggalian ng Ukraine-Russia.

Ang subsidy ay maaaring makuha sa pamamagitan ng mga cash card na inisyu ng Landbank of the Philippines na magagamit sa mga accredited na fuel station.


Tags: Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)

You May Also Like

Most Read