Latest News

Pag-aarmas ng Pari at relihiyoso, hindi pinapayagan ng Simbahang Katolika, ayon sa mga arsobispo

TUTOL ang ilang arsobispo ng Simbahang Katolika na mag-armas ang mga pari at relihiyoso kahit pa may banta sa buhay ng mga ito.

Nanindigan si Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan na kahit may banta ng panganib sa buhay ng isang pari sa pagganap ng tungkulin ay hindi pa rin ito sapat na dahilan upang armasan ang mga lingkod ng simbahan.

“I’m not a canon lawyer but there’s a provision that disallow us to carry firearms even if there are threats or endangers us,” ayon kay Cabantan, sa panayam ng church-run Radio Veritas nitong Miyerkules.


Tinukoy pa ng arsobispo ang 1917 Code of Canon Law kung saan malinaw na pinagbabawalan ang mga lingkod ng simbahan sa pag-iingat ng anumang uri ng armas bagamat sa 1983 Code of Canon Law ay hindi na ito nailathala.

Samantala, bagamat kinilala ang pag-iingat ng pamahalaan sa mga pastol ng simbahan, hindi rin naman sang-ayon si Ozamiz Archbishop Martin Jumoad sa pag-aarmas ng mga pari sapagkat taliwas ito sa tungkuling ipalaganap ang kapayapaan.


“I don’t agree with that; ang armas ay simbolo ng karahasan at hindi ng kapayapaan,” ani Jumoad sa hiwalay na panayam ng himpilan.

Ang pahayag ay ginawa ng mga arsobispo makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11766 na nagpapalawig sa bisa ng pahintulot sa pagdadala ng armas.


Nakasaad sa batas na lahat ng uri ng lisensya sa pag-iingat ng baril ay maaring i-renew ng limang taon o 10 taon, batay sa nais ng licensee.

Bukod sa mga sakop ng security forces at mga abogado sa bansa, pinahihintulutan din ng pamahalaan ang pag-aarmas sa mga pari, imam, ministro, kawani ng media, kahera, bank teller, nurse, doktor, inhenyero, accountants at mga negosyanteng lantad sa labis na panganib ng mga kriminal.

Noong 2018, una nang nanindigan ang maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pangunguna noon ni Davao Archbishop Romulo Valles, na hindi tungkulin ng mga pari ang pagbibitbit ng armas sa halip ipinagkatiwala sa mga alagad ng batas ang pagbabantay sa kaayusan at kaligtasan ng mamamayan.

Binigyan-diin ng CBCP na kaakibat ng misyon bilang pastol sa kawan ng Panginoon ang iba’t ibang uri ng banta ng panganib maging ang kamatayan tulad ng hinarap noon ni Hesus.

Matatandaang ikinabahala ng mamamayan ang magkasunod na pagpaslang noon kay Father Marcelito Paez, Fr. Richmond Nilo at Fr. Mark Anthony Ventura subalit ipinagktiwala ng simbahan sa mga awtoridad ang imbestigasyon sa pagkakamit ng katarungan ng mga biktima. (Carl Angelo)

Tags: Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan

You May Also Like

Most Read