Aabot sa P2.2 trilyon ang planong utangin ng Marcos administration sa susunod na taon upang mapondohan ang mga programa at proyekto nito.
At magbabayad naman ang gobyerno ng P611 bilyon sa utang ng mga nakaraang administrasyon.
Ayon kay House Committee on Appropriations senior vice chairperson and Marikina Rep. Stella Luz Quimbo hindi dapat katakutan ang pangungutang at ang pagbabayad ng utang.
Batay sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Quimbo na inaasahang kikita ang administrasyon ng P3.6 trilyon mula sa mga buwis, bayarin at kikitain sa mula sa pagsasapribado ng mga ari-arian nito.
Sa susunod na taon ay P5.268 trilyon ang pondo na gugugulin ng gobyerno, mas mataas ng 4.9% sa P5.024 trilyong budget ngayong taon.
Sa halagang ito, P611 bilyon ang mapupunta sa pambayad ng utang ng mga naunang administrasyon, mas mataas sa P541.3 bilyon na pambayad ngayong taon.
Sinabi ni Quimbo na walang kakaiba sa gagawing pangungutang o pagbabayad ng utang ng gobyerno.
“Wag po kayo masyadong ganung ka-worried. Ganun talaga. That’s usual, within range po tayo,” sabi ni Quimbo. “Kaya just to clarify 11% lang ng 5.268 trillion proposed for 2023 ang mapupunta po sa debt servicing.”
Sinabi ni Quimbo na tumaas ng 1% ang pambayad sa mga utang dahil kinailangang mangutang ang gobyerno noong pandemya.














