ONE-DAY PROCESS, BAWAS REQUIREMENTS SA PAGKUHA NG AYUDA, PASADO NA SA SENADO — SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Aprubado na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 155 o and Direkta at Agad na Lingap at Interbensiyon (DALI) Act, na naglalayong bawasan ang mga dokumentong kailangan sa pagkuha ng tulong mula sa pamahalaan at tiyaking maibibigay ito sa loob ng isang araw lamang.

“Matagal nang pinahihirapan ang ating mga kababayan ng sobra-sobra at paulit-ulit na mga dokumento para lang makakuha ng ayuda. Dahil dito, naaaksaya ang kanilang oras, pera at kung minsan apektado ang kanilang dignidad,” ani Sen. Erwin Tulfo, na siyang may panukala ng naturang bill


“Tinitiyak ng panukalang batas na ito na ang tulong ng pamahalaan ay magiging tunay na abot-kamay, inklusibo, at tumutugon sa pangangailangan. Isa itong repormang nakaugat sa katarungang panlipunan. Pinagtitibay nito ang isang simpleng prinsipyo: Ang tulong ay dapat ibinibigay nang may malasakit, hindi pahirapan,” dagdag pa ni Sen. Erwin, na Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.

Sa ilalim ng DALI Act, tatlong dokumento na lamang ang hihingin ng mga ahensya ng pamahalaan sa pag-avail ng tulong pinansyal: isang valid government-issued ID; billing statement mula sa ospital, klinika, o punerarya; at orihinal o certified true copy ng medical certificate o medical abstract na may kumpletong detalye.

Sa oras na maisumite ang kumpletong mga dokumento, inaatasan ng SBN 155 ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Charity Sweepstakes Office, PhilHealth, at iba pang mga pambansa at lokal na ahensya at tanggapan na iproseso ang mga request para sa ayuda sa loob ng araw ding iyon.


Ang mga request na maisusumite tuwing weekend, holidays, o lagpas sa opisyal na oras ng trabaho ay ipo-proseso ng mga ahensya sa susunod na araw ng pasok.

Sa panukalang batas na ito, pinapayagang maghain ng request para sa tulong pinansyal ang mga kamag-anak o ang kanyang legal guardian, sa pamamagitan ng authorization letter na kalakip ang valid ID ng benepisyaryo at ng kinatawan.




Papayagan din ang digital na paghahain ng mga request sa ayuda kapag naisabatas ang SBN 155, dahil inaatasan nito ang Department of Information and Communications Technology na paunlarin at gamitin ang eGov PH Super App o iba pang digital na sistema para sa layuning ito.

Kung may mga sumbong tungkol sa di makatarungang pagkaantala, paghingi ng labis na dokumentaryong requirement, at iba pang anyo ng hindi pagsunod, makikipag-ugnayan ang DSWD at iba pang kaugnay na ahensya sa Anti-Red Tape Authority upang matiyak ang ganap na pagsunod sa panukalang batas at sa Ease of Doing Business Act.


Naipasa ang bill ni Tulfo sa botong 19-0-0.

Tags: Sen. Erwin Tulfo

You May Also Like

Most Read