Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) ang patuloy na pagdaraos ng nationwide voters’ registration activities sa Oktubre 20.
Napag-alaman kay Comelec Chairman George Garcia na ang panahon ng pag-rehistro ay tatagal ng pitong buwan at magtatapos sa Mayo 18, 2026.
Aniya, isasagawa ito sa lahat ng rehiyon sa bansa, maliban na lang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na mayroong sariling voters’ registration schedule.
Ayon kay Garcia, ang registration activities sa naturang rehiyon ay itinakda sa Mayo 1, 2026 at magtatapos sa Mayo 18, 2026.
Batay umano sa kanilang pagtaya, inaasahan nilang aabot ng hanggang 1.4 milyong aplikante ang magpapatala sa nationwide registration period.
“We believe we can reach 1.4 million registrants,” aniya pa.
Matatandaan na una nang nagdaos ng voters’ registration ang Comelec nationwide, na sinimulan noong Agosto 1 at nagtagal hanggang Agosto 10.
Ayon sa datos ng Comelec, may kabuuang 2,727,643 aplikante ang nagpatala sa naturang 10-araw na panahon ng registration.














