MULING ipinanawagan ni Senador Erwin Tulfo ang agarang pagpasa ng batas na magtatatag ang OFW Pension Fund para sa mga Overseas Filipino workers na hiwalay pa sa Social Security System o SSS.
Ito ay matapos makiisa ni Tulfo sa “Bagong Bayani ng Mundo: OFW Serbisyo Caravan”na ginanap sa Rome at Milan, Italy na naglalayong maghatid ng mga government services mula sa 12 ahensya sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Ang ating mga OFW ay itinuturing na mga bagong bayani, ngunit marami sa kanila ang hindi nakakatanggap ng sapat na proteksyon na nararapat sa kanila. Hindi dapat limitado lamang ang kasalukuyang mga programa ng gobyerno para sa ating mga migrant worker sa legal aid at medikal na tulong, dapat din nitong siguruhin ang kanilang proteksyon para sa hinaharap kapag sila ay nagretiro,” ani Tulfo.
“Kaya nananawagan kami sa agarang pagpasa ng batas na bubuo ng isang pension system para sa ating mga OFW upang mapakinabangan nila ang mga sakripisyong ginawa nila para sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay,” dagdag pa nito.
Kabilang ang Senate Bill No. 252 o ang panukalang OFW Pension Act sa Top 20 Priority Bills ni Tulfo. Ito ay inihain noong Hulyo 8 at layunin nitong magbigay ng P5,000 buwanang pension para sa mga karapat-dapat na OFW, partikular na yaong nagtatrabaho sa manual, skilled, o technical na mga hanapbuhay.
Sa kanyang pagbisita sa Milan ay dinalaw din ni Sen. Tulfo ang isang 50-year-old Filipina na kasalukuyang nasa “vegetative state” matapos ang isang road accident.
Hinikayat niya ang mga opisyal ng DMW na maghanap ng mga posibleng paraan upang mapanatili ang tulong at pangmatagalang mga intervention o tulong para sa kapakanan ng mga OFW na nasa katulad na sitwasyon ng Pilipina na nasangkot sa aksidente.
Nangako naman ang mambabatas na magbibigay siya ng suporta sa pamilya ng nasabing OFW patient, na nasa Pilipinas.
Nakipagpulong din si Tulfo kasama ang mga opisyal mula sa Philippine Consular Office sa Milan at mga kinatawan ng Studio Legale Parenti, na nagbibigay ng legal na tulong sa mga Pilipinong naging biktima ng krimen, pang-aabuso, scam at ilegal na recruitment sa Italya upang alamin ang katayuan ng mga kaso ng ating mga kababayan.
“Sa nalalapit na plenary deliberations ng panukalang 2026 General Appropriations Bill sa Senado, tatalakayin namin ang mga kasong ito upang mabigyan ng sapat na pondo ang mga programa ng DMW at ng Overseas Workers Welfare Administration,” ani Tulfo.
Noong nakaraang linggo ay nagtungo si Tulfo kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos, DMW Secretary Hans Leo Cacdac, OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan at iba pang opisyal ng gobyerno sa OFW Serbisyo Caravans sa Rome at Milan, Italy.
Bilang sponsor ng badyet ng DMW para sa 2026, binigyang-diin ni Tulfo na kailangang tiyakin na ang mga OFW ay nakakatanggap ng sapat na medikal at legal na suporta mula sa gobyerno.














