Nakalipad na patungong Israel ang 61 Pilipinong halos dalawang taong naghintay na makabiyahe dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration Chief Atty. Bernard Olalia na nagsimula na silang magpadala ng mga manggagawang Pinoy sa Israel bilang hotel workers.
Ang Pilipinas aniya ang kauna-unahang bansa na binigyan ng oportunidad ng Israel para magpadala ng hotel keepers sa nabanggit na bansa.
“For the first time, since the pandemic began, nagsimula na tayong mag-deploy ng hotel workers going to Israel. Ito yung mga OFW natin na naantala ang deployment noong 2020 noong kasagsagan ng pandemya. Tayo ang kauna-unahang foreign workers na binigyan ng opportunity para magpadala ng hotel keepers sa Israel,” ani Olalia.
Mayroon aniyang susunod na 400 na mga Pilipinong aalis ng bansa para magtrabaho sa Israel.
Sinabi ni Olalia na bukod sa hotel workers ay bukas din ang deployment ng caregivers sa Israel para sa 35,000 na trabaho kaya aasahang mas maraming Pilipino ang mangingibang-bansa sa mga susunod na araw.
“Maliban sa hotel workers, tayo ay kasalukuyan ding nagde-deploy ng caregivers. Mayroon din tayong bilateral labor agreement with the deployment of our caregivers. Ang slot napakarami, 35,000 opportunities para sa mga OFW natin. Halos mahigit 2,000 na ang nadeploy nating caregivers sa Israel,” dagdag ni Olalia.