Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang apela ng isang couple nang katigan ang desisyon ng Court of Appeals (CA) at matapos silang mapatunayang ‘guilty’ sa harassment, pananakot at papapalaganap ng maling impormasyon laban sa naging nobya ng kanilang anak at mga magulang nito noong 2004.
“The best interest of a child cannot justify forms of cruel or degrading punishment which conflict with a child’s human dignity, including ‘punishment which belittles, humiliates, denigrates, scapegoats, threatens, scares or ridicules a child’,” ayon sa desisyon ng SC kaugnay sa ginawang panlalait at paninira laban sa 14-anyos na dalagita na naging partner ng kanilang anak at mga magulang nito.
Base sa 21-pahinang desisyon isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen noong Abril 26, 2023 pero ngayon lang inilabas sa publiko, inatasan ang couple na bayaran ang dalagita ng P30,000 moral damages, P20,000 bilang exemplary damages at P30,000 para sa attorney’s fees at litigation expenses na may interes na 6% kada taon.
“A person who debases, degrades, or demeans the child’s intrinsic worth and dignity as a human being can be held liable for damages,” ayon sa SC.
Ayon sa SC, tumutol ang mag-asawa nang malaman na me relasyon ang kanilang anak sa kaeskuwela nito na 14-anyos.
Sanhi nito, malimit na pinupuntahan ng mag-asawa ang kanilang anak sa eskuwelahan para mapigil ang kanilang anak na mas mapalapit sa biktima.
Dumating sa punto na tinawag pa ang dalagita ng “malanding babae” at “makati ang laman” sa harap mismo ng mga kaeskuwela nito at pinaalalahanan din dahil sa ginagawang pagkandong sa kanilang anak sa loob ng klase.
Napag-alaman na upang maiwasan ang magulang ng kasintahan ay hindi na nakilahok ang biktima at magulang nito sa school activities na nagdulot ng depresyon at naging dahilan para mawala sa “honor roll” at nagtangka pang magpakamatay ang biktima.
SInabi ng SC na walang parental authority ang mag-asawa sa dalagita.














