Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na hindi kontaminado ng ethylene oxide ang Lucky Me! instant noodles na minamanupaktura sa Pilipinas.
Ito, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ay base na rin sa preliminary investigation na isinagawa dito ng Food and Drug Administration (FDA).
“Base sa kanilang (FDA) pagkakasuri at pag-iimbestiga ay hindi po apektado iyong production ng ating food product na ito dito po sa ating bansa,” ani Vergeire.
“We are assuring everybody that FDA has already verified na ito pong product na noodles na ito, mayroon po tayong local manufacturers. We are not currently affected by this incident of contamination that happened in the European countries,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, tiniyak rin ni Vergeire na ipagpapatuloy ng FDA ang imbestigasyon sa naturang isyu.
“Ang atin pong FDA ay patuloy pong iniimbestigahan ito para makita kung mayroon man talaga na nakarating man from those manufacturers abroad dito po, papunta sa ating bansa,” aniya pa.
Matatandaang una nang sinabi ni Vergeire na biniberipika na ng FDA ang ulat na ang Lucky Me! noodles ay nagtataglay ng mataas na antas ng ethylene oxide, na maaaring magdulot ng pananakit ng ulo, pagsusuka, pagduduwal, pagtatae, hirap sa paghinga, pagkapagod at iba pa.
Ilang bansa na rin ang nagpa-recall ng produkto habang nag-isyu naman ng health warnings ang ilan pa laban sa naturang sikat na Pinoy instant noodle brand. (Jaymel Manuel)