Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na isa pang batch ng mga displaced overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia ang inaasahang tatanggap na rin ng bayad para sa kanilang hindi nabayarang suweldo at benepisyo mula sa Saudi construction companies na nagdeklara ng bankruptcy noong taong 2015 at 2016.
Ito ang iniulat ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac matapos ang anunsiyo ni Pang. Ferdinand R. Marcos. Jr. noong Martes na nagsimula na ang pagbabayad sa 1,104 claimants noong huling bahagi ng Enero.
Ayon kay Cacdac, nasa 400 tseke pa ang nakatakda na ring ipamahagi sa mga claimants sa susunod na buwan.
Sa kabuuan, aabot na sa 1,500 ang claimants na mabibigyan ng tseke at mababayaran ng Saudi government.
Noong ikatlong bahagi ng 2023, nagsumite ang DMW sa Saudi authorities ng listahan nang may 10,554 displaced Saudi OFW claimants na may verified iqamas.
Ang iqama ay ang official government permit na required sa foreign nationals upang makapanirahan at makapagtrabaho sa Saudi Arabia.
“This is just the start of what we see as a deliberate process of distribution of claimants’ checks and encashment resulting into the full payout of each of our displaced OFW’s unpaid claims and other benefits,” paliwanag pa ni Cacdac.
Kaugnay nito, sinabi ni Cacdac na marami pa silang trabahong kailangang gawin.
Kabilang dito ang pagpapahintulot sa tagapagmana ng mga claimants, na pumanaw na, upang siyang tumanggap sa payouts, gayundin ang pagresolba sa ilang minor discrepancies, pagdating sa tunay na pangalan ng claimants at sa nakasulat sa kanilang tseke.
Tumutulong na rin naman anila ang Landbank at Overseas Filipinos Bank sa DMW upang maresolba ang mga naturang isyu at concerns.
“We will continue working with our Saudi counterparts to resolve these issues and we will continue assisting our OFWs and their families through this final stage in receiving their long overdue wages and benefits,” ayon pa kay Cacdac.














