KINUMPIRMA kahapon ng pamunuan ng Philippine Army na maghahanap na sila ng mga miyembrong bubuo ng General Court Martial nadidinig sa mga posibleng paglabag sa Article of War nina Bgen Jesus Durante et’al na sinasangkot sa pagpatay kay Yvonne Plaza Chua sa Davao de Oro.
“We have already issued orders for the composition of the GCM,” ani Army Commanding General Ltgen Romeo Brawner.
Ayon kay Ltgen Brawner, maghahanap muna sila ng mga miyembro na posibleng bubuo sa itatag na GMC sakaling irekomenda ito at isalang sa paglilitis sina Durante kasunod ng gagawing pre trial investigation.
Nabatid na bago ang isinasagawang pre trial ay nagkaroon ng board of inquiry ang Army 10th infantry division, Nakatakdang isumite ito ni Brawner, sa Judge Advocate General, Provost Marshall para pag aralan kung anong ilalabas na rekomendasyon.
Nilinaw ng heneral na wala pang pormal na kasong isinasampa laban sa mga akusado, ang kautusang pagbuo ng GMC ay paghahanda lamang.
Subalit napag alaman na ang ibinabang rekomendasyon ng 10ID ay litisin sina Durante sa pamamagitan ng court martial.
Kinumpirma ni Ltgen Brawner na kasalukuyang nasa restrictive custody na ngayon si BGen. Jess Durante Durante at ang deputy commander nito na si Col. Michael Licyayo matapos na tukuying na mastermind umano sa pagkakapaslang sa model at negosyanteng si Yvonne Plaza Chua.
Sina Durante at Licyayo ay kapwa nahaharap sa kasong murder at obstruction of justice ay kasalukuyang nasa Philippine Army Custodial Center .
Inihayag naman ni Army Spokesman Col Xerxes Trinidad na nakatakdang ilabas ng binuong Board of Inquiry (BOI) ng Philippine Army ang resulta ng kanilang imbestigasyon hinggil sa kaso ni Durante at Licyayo.
Ang pagsasailalim sa kustodiya ng dalawang opisyal ay bahagi ng preparasyon at paghahanda sa General Court Martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa nasabing mga opisyal habang gumugulong din ang kasong kriminal laban sa mga ito sa korte.
Habang ang mga sangkot namang enlisted personnel ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) na sina Staff Sgt. Gilbert Plaza; Sgt. Delfin Sialsa Jr; Cpl Adrian Cachero, Pfc Rolly Cabal, Pfc Romart Longakit; Noel Japitan, isang tinukoy na Junior at isang kinilala lamang na isang Master Sgt.
Sa ngayon wala pang inilalabas na warrant of arrest laban kay Durante.
Subalit tiniyak ni Col Xerxes na kanilang irerespeto ang proseso ng batas at pahihintulutan sina Durante, Licyayo at iba pang sundalo na sangkot sa krimen na maghain ng kanilang counter affidavit sa kasong kinakaharap ng mga ito at humarap sa mga pagdinig kung kinakailangan. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














