FVR, NAIHATID NA SA HULING HIMLAYAN; PBBM AT GEN BACARRO NANGUNA SA PAGHAHATID

TULUYAN nang inihimlay sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig Metro Manila kahapon si dating pangulong Fidel V. Ramos na nagsilbi noong 1992 hanggang 1998.

Nanguna sa mga nagsipaghatid sa ika-12 Pangulo ng Pilipinas na isang ring military man si Armed Forces of the Philippine Commander-in- Chief President Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos, Jr. at ang bagong talagang AFP chief of staff General Bartolome VO Bacarro na nagsilbing military host sa paggawad ng parangal kay FVR kasama ang mga major service commanders .


Matapos ang seremonya, tinanggap ng pamilya Ramos ang labi ng dating lider at inilagay sa karuwaheng tradisyunal na pinaglalagyan ng labi ng mga diplomat, dating lider ng bansa o national artist.

Nag-flower drop ang militar bilang pagpupugay kay Ramos, bukod pa sa mga putok ng kanyon at baril na ginagawa lang sa mga state funeral o hero’s burial.

Dumating si Pangulong Marcos, Jr., at nakiramay at sumama sa paghahatid kay Ramos — na pinsan ng kanyang ama — sa huling hantungan at siya ding nag abot na watawat na nakabalot sa ginamit na kabaong na pinaglagyan ng abo ni FVR.


Bago ang libing, nagdaos muna ng pribadong misa sa Heritage Park ang pamilya Ramos at pinagkalooban siya ng military honors ng Armed Forces of the Philippines.

Naging tahimik at maayos ang departure honors sa Heritage Park, kung saan nagpatupad din ng mahigpit na seguridad ang AFP contingent na binubuo ng may 1,000 sundalo at opisyal. Pumanaw noong Hulyo 31 si Ramos sa edad na 94.


Nagpakita naman ng katatagan si Ginang Ming Ramos, ang biyuda ni FVR, na nagpahatid ng kanyang pasasalamat sa mga dumalo at nakiramay sa pagyao ng kanyang asawa.

“Kaya natin ‘to,” ani Ming Ramos, bilang paghiram sa pamosong linya ni FVR, matapos niyang ihayag ang hirap ng maging isang sundalo at magsisilbi sa military.


“Maraming salamat sa inyong lahat sa tulong n’yo. Alam n’yo, mahirap ang buhay sa military. Pero kinaya namin. Tumulong si President Ramos. Kayang kaya niya, at he was able to raise five daughters, right grandsons, and five granddaughters,” ayon pa kay Mrs. Ramos. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Fidel V. Ramos

You May Also Like