Naghayag ng pagtutol ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) hinggil sa panukalang itaas ang minimum wage ng P750 dahil iilan lamang sa mga manggagawa ang makikinabang.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz Luis, hindi lang naman ang mga maliliit na employer ang maaapektuhan nito kundi ang buong bayan.
Aniya, 16 porsiyento lamang kasi nang halos 50 milyong manggagawa sa bansa ang masasakop ng pagtaas ng sahod habang nag-aalala naman siya sa natitira pang 84 porsiyento na walang sailing employer.
“Alam mo kasi ang problema rin sa ganiyan ang apektado kapag nagtataas ka ng minimum wage ay mga 16% lang ng ating mga workers, iyong around 51 million na yata ngayon ay 16% lang ang apektado kapag nagtataas ng minimum wage – paano na iyong 84% o 90% kung sakali?” tanong ni Luis sa #LagingHandaPH Public Briefing.
“Kapag tinaasan mo iyong suweldo noong mga minimum earners siyempre sino ang magtataas ng suweldo ng tricycle driver, sino ang magtataas ng suweldo noong mga farm workers, iyong mga market vendors, iyong mga ano – iyon ang hindi nakikita. Akala mo magandang pakinggan – tataasan ang suweldo pero maliit na porsiyento lang iyong apektado,” diin pa niya.
Magiging problematic din umano ang minimum wage increase dahil hindi pa alam kung saan huhugutin ang badyet ng mga hindi matataasan ng suweldo na wala naman mga employer.
“Siyempre ang kumpanya kapag tinaasan mo iyong suweldo na noon ay dalawang bagay ang puwedeng gawin niyan – magbabawas ng tao or ipapatong sa presyo ng produkto nila kung kaya pa ng merkado – kapag pinasok mo iyon eh inflationary iyan, paano na iyong hindi nataasan ng suweldo na 86%, 90%? Iyon ang kawawa. In short iyong buong bayan ang maaapektuhan niyan,” paliwanag pa ni Luis.
Matatandaang naghain ng panukala ang Makabayan bloc na itaas ng P750 ang minimum wage sa pribadong sektor upang matugunan ng mga empleyado ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa kasalukuyan ay nasa P533 at P570 ang daily minimum wage sa Metro Manila.
Noong nakalipas na buwan, naghain din ng petisyon sa Calabarzon ang isang labor group na itaas ang minimum na sahod sa kanilang rehiyon ng P750.














