Nakatakda nang magsimula muli ang voter registration sa bansa bukas, Lunes, Hulyo 4, kasunod nang nalalapit nang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Elections sa Disyembre 5, 2022.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, magtatagal ang panahon ng rehistruhan hanggang sa Hulyo 23, 2022 lamang.
Bukas aniya ang mga tanggapan ng Comelec para sa mga nais magparehistro, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado, kabilang ang holiday.
“Ang pagpapatuloy ng voters registration ay magsisimula bukas, July 4, 2022 hanggang July 23, 2022… Lunes-Sabado, mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m.,” ani Laudiangco, sa panayam sa radyo nitong Linggo.
Aniya, target ng Comelec na mairehistro ang mga bagong botante na nagkakaedad ng 15 hanggang 17-anyos upang makaboto sila sa SK polls.
“Ang target sa voters registration ay ‘yung mga bagong botante para sa Sangguniang Kabataan… Ito ‘yung mga magiging 15 years o 15 years old to 17 years old… Kung hindi pa 15 pero magfi-15 [years old] by December 5, 2022, pwede nang magparehistro,” ayon pa kay Laudiangco.
“Para naman sa ating regular registration kasama na ‘yung sa barangay dito, ‘yung mag-e-18 years old on or before December 5,” aniya pa.
Samantala, ang mga botante naman na inalis sa voters list ay maaari aniyang mag-aplay online para sa reactivation ng kanilang mga record.
Ang online application para sa reactivation ay isasagawa naman mula Hulyo 4 hanggang 19.
Kinakailangan lamang aniya ng mga botante na magpadala ng email sa official email address ng Office of the Election Officer sa kanilang lokalidad.
Paglilinaw naman ni Laudiangco, hindi ito aplikable sa mga botante na magre-reactivate ng kanilang rekord, kasabay nang pagpapalipat ng lokalidad. (Carl Angelo)