Comelec sa Kongreso: Pagdalo sa debate gawing mandatory

HIHILINGIN ng Commission on Elections (Comelec) sa Kongreso na gawing mandatory ang election debate para hindi ito iisnabin ng ilang mga kandidatong ayaw humarap sa mga ganitong aktibidad.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na sa ganitong paraan ay mailatag ng lahat ng mga kandidato ang kanilang plano kapag nanalo sa eleksyon.


“Ang posisyon ng Comelec diyan sa debate ay i-push na gawing mandatory lalo na sa mga susunod na debate sa susunod na mga halalan natin,” ani Garcia.

Ihihirit aniya ng Comelec sa mga mambabatas na gawing requirement ang pagdalo sa mga debate sa panahon ng kampanya, at ang hindi dadalo ay idi-disqualify o patawan ng parusa.

Sana aniya ay pagbigyan sila ng Kongreso para mas mabigyan ng ngipin ang Komisyon na padaluhin ang lahat ng mga kandidato sa ipapatawag na debate.


“Kukumbinsihin natin ang Kongreso na sana ilagay na talaga na requirement na a-attend ang lahat ng mga magiging kandidato, lokal man at national sa mga ipapatawag na debate ng Komisyon, kung hindi puwede siyang maging ground ng disqualification at the same pwedeng maging ground ng election offense,” dagdag ni Garcia.

Aminado ang Comelec offficial na wala silang kapangyarihan para pilitin dumalo sa kanilang debate ang ilang kandidato dahil walang batas na nag-oobliga sa mga ito para humarap sa taong bayan.


Naka-dalawang debate na ang Comelec subalit naging consistent sina presidentiable Ferdinand “bongbong” Marcos at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio sa hindi pagdalo sa debate.

Pero sa kabila nito, sinabi ni Garcia na mas gumanda ang kanilang preparasyon sa debate nitong Linggo at gumagaling din ang mga kandidato sa pagsagot sa mga isyung itinatanong sa kanila.


“Nag-improve naman ang ating preparations pero at the same time mas lalong gumagaling ang mga kandidato natin, mas lalong naipakita kung kanilang mga posisyon sa bawat issue,” wika ni Garcia.

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like