NANGAKO si Commission on Election (Comelec) Commissioner George Garcia nitong Martes na hindi nila papayagang maulit pa sa halalan sa taong 2025, ang mga problemang naranasan nila sa katatapos na national at local elections nitong Lunes.
Ayon kay Garcia, ilan sa mga malalaking problema na na-encounter nila sa katatapos na Eleksiyon 2022 ay ang mahabang pila ng mga botante sa mga polling precincts at ang bilang ng mga nagkaaberyang vote counting machines (VCMs).
“Sa 2025, anuman a2025ng naranasan natin ng mga nakaraan, dapat hindi na muling mararanasan ito,” ani Garcia, sa panayam sa radyo.
“Kung papalarin tayo na nandiyan pa tayo sa Commission on Elections siyempre hindi tayo papayag na may ganitong klaseng aberya,” aniya pa.
Una nang sinabi ni Garcia na nasa 1,867 VCMs ang dumanas ng malfunction noong May 9 polls ngunit kaagad din aniya itong nasolusyunan.
“Alam niyo po kasi sa nagke-create ‘yan ng mga duda sa integridad ng proseso. Pero siyempre po, pinapaliwanag namin, wala naman pong may gusto talaga ng mga ganong problema,” aniya.
Matatandaang nagkaroon rin naman ng aberya ang ilang VCMS noong 2016 at 2019 elections.
Una na rin namang sinabi ng Comelec na hindi na nila gagamitin ang mga naturang VCMs sa halalan sa taong 2025 at hihingi anila sila ng pondo sa Kongreso para mapalitan ang mga ito. (Jantzen Tan)














