HANDNG-HANDA na ang Commission on Elections (Comelec) para sa pagdaraos ng halalan sa Mayo 9.
Ito ang inihayag sa Laging handa public briefing ni Comelec Commissioner George Garcia kasunod ng ilaw araw na lamang na hihintayin bago ang nakatakdang halalan.
Ayon kay Garcia, ginagawa na ang distribusyon ng election paraphernalia para sa gagawing eleksiyon sa Mayo a nuwebe.
“All systems go po ang Comelec, iyong pagdidistribute ng lahat ng election paraphernalia ay kasalukuyan na naming ginagawa. Iyong vote counting machines, consolidation system at iba pang gamit ay naka-proposition na at dahan-dahan ng dini-distribute ng ating mga local COMELEC,” ani Garcia.
Sa Sabado aniya, Abril 30 ay ipapakita ng komisyon sa unang pagkakataon ang lahat ng data centers sa media kung paano gumagana, nagbabato ng results mula sa one data center papunta sa ibang data center at sa transparency server sa University of Sto.Tomas.
“Sa Sabado ay magkakaroon kami ng walkthrough sa UST kung paano gumagana at nagbabato ng resulta ng mga boto kaya abangan ninyo po iyon,” dagdag ni Garcia.
Pinayuhan ng opisyal ang publiko na manatiling nakatutok sa Comelec para updated ang lahat sa mga kaganapan sa darating na eleksiyon sa susunod na linggo.