By: MARK ALFONSO
BAGAMA’T hindi tinututulan ang pagdeklara bilang “terorista” laban kay Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., at 12 iba pa, inihayag ni Senador Chiz Escudero sa publiko na maging mapagbantay sa pinalawak na kahulugan ng “terorista.”
Ayon kay Escudero, tinitingnan niya ang resolusyon ng ATC, na binansagan si Teves at 12 iba pa kabilang ang kanyang kapatid na si dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves na mga terorista bilang isang makabuluhang deklarasyon dahil sa unang pagkakataon aniya pinalawak ang kahulugan ng mga teroristang grupo.
“Ang problema ay alegasyon pa lang ‘yon, deklarasyon pa lang ito. Ang deklarasyon hindi automatic na pwedeng gawing basihan para arestuhin siya. Kailangan muna kasuhan,” pahayag ni Escudero sa Kapihan sa Senado.
Una nang nasangkot si Teves at iba pa sa listahan ng ATC sa isang “terrorist group” na responsable umano sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pang political killings.
“Significant itong declaration ng ATC, dahil sa kauna unahang pagkakataon, binuksan nila ‘yung definition, pinalawak nila ‘yung definition ng terroristang grupo, na madalas sa ordinaryong pagiisip, iisipin natin ay, Maute Group, Isis, BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters), etc,” paliwanag niya.
Nang tanungin kung ang publiko ay dapat mangamba kaugnay sa lumalawak na kahulugan, tugon ni Escudero: “Hindi, hindi talaga,” ngunit nagbabala na ang publiko ay dapat pa ring maging mapagbantay dito.
“All I’m saying is it is being expanded to mean that. And it’s broader than our usual concept of a terrorist group,” punto ni Escudero.
“Hindi ko kinokontra, hindi ko inooppose, hindi ko kinukwestiyon, sinasabi ko lang dapat gising tayo na lumalawak iyong depinisyon. We will see [what will happen] in the next couple of months or years,” dagdag pa niya.