BABALA: Nakasasama ang Laruang ‘Water Beads’ sa Kalusugan ng mga Bata

Nagbabala ang BAN Toxics sa publiko sa patuloy na paglipana sa pamilihan ng laruang ‘water beads’. Gawa sa polymer chemicals ang makukulay na ‘water beads’ na tinatawag ding ‘jelly beads’, ‘hydro orbs’, ‘crystal soil’, at ‘gel beads’. Kapag inilagay sa tubig ang mga maliliit at matigas na butil ng plastik, lumolobo ito hanggang 1,500 beses sa original na laki.

Kadalasang matingkad ang kulay at mistulang kendi and ‘water beads’ na binebenta bilang laruan. Ang mga katangiang ito ang nakakaakit sa mga bata at maaari nila itong malunok or maipasok sa tenga, ilong, o iba pang butas ng katawan.

Sa ginawang pag-iikot sa mga palengke ng BT Patrollers nitong Pebrero 26, nakabili ang grupo ng Seven Color Crystal Ball, isang water beads na laruan sa seksyon ng mga laruan sa Pasig Mega Market sa Pasig City sa presyong P 80 kada pakete.


Sinubukan din ng grupo ang laruan at inilagay ang makukulay na butil sa tubig upang malaman ang aktwal na laki at oras para lumobo.

“Nakakabahala na nagpapatuloy ang pagbebenta ng mga laruang water beads sa mga pampublikong palengke kahit naglabas na ng babala dito dahil sa panganib na maaaring idulot sa kalusugan ng mga bata,” ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.


Noong 2009, naglabas ang Department of Health ng pabatid kaugnay sa pagbebenta ng Seven Color Crystal Balls at inabisuhan ang publiko na ilayo ang mga laruan sa mga bata dahil hindi dapat ito ginagawang laruan. Inilalagay nito sa panganib ang mga bata kapag aksidenteng nakain. Mabibili rin ang mg aprodukto sa mga tindahan malapit sa mga eskwelahan at ginagawang laruan ng mga estudyante dahil sa kaaya-aya nitong mga kulay at itsurang gel.

Ayon sa HealthChildren.org, maaaring malunok ng mga maliliit na bata ang mga butil dahil mukha itong kendi. Nailalagay ng mga bata ito sa kanilang mga tenga at nasisinghot. Maaaring lumaki ang mga butil sa loob ng katawan na magdudulot ng pagbara at nakamamatay na epekto.


Mga palatandaang nakalunok ng water beads ang isang bata:

1. kawalan ng ganang kumain
2. pagkaantukin
3. paglalaway
4. pagsusuka
5. hika
6. dinadaing na bara sa lalamunan o dibdib
7. pananakit ng tiyan
8. kahirapan sa pagdumi o constipation
9. paglaki at pamamaga ng tiyan

Nito lamang Marso 3, nilabas ng TODAY.com ang balita sa isang batang nakalunok ng water beads sa San Antonio, Texas, USA. Dinala sa ospital ang sampung buwang bata dahil sa pagsusuka. Pinakita ng doktor ang mga larawan ng nakita nitong water beads sa loob ng bituka ng bata.

“Nananawagan kami sa Food and Drug Administration na maglabas ng babala sa publiko, muling ilabas ang 14-taong health advisory ni dating Secretary Duque III, at magsagawa ng kagyat na kumpiskasyon ng mga produkto upang maiwasan ang panganib sa buhay ng mga bata,” dagdag pa ng grupo.

Hindi rin pumasa ang produkto sa labeling requirements sa ilalim ng RA 10620 o Toy and Game Safety Labeling Law. Sa ilalim ng Seksyon 10, sinumang lumabag sa probisyon ng batas ay magbabayad ng hindi bababa sa P10,000 hanggang P50,000, o pagkabilanggo ng tatlong buwan hanggang dalawang taon, o parehas ayon sa kautusan ng korte. (Baby Cuevas)

Tags: BAN Toxics

You May Also Like

Most Read