UPANG hindi gaanong maramdaman ng mga magsasaka ang epekto ng El Nino ay palalakasin ang paggamit ng sistemang “alternate drying and wetting technique sa mga lugar na nakakaranas ng lubhang tagtuyot.
Ito ay upang matiyak din na magiging mataas pa rin ang food production sa bansa kahit umiiral ang dry spell na dulot ng El Niño phenomenon.
Ayon sa pamunuan ng National Irrigation Administration, kumpiyansa ang ahensya na tataas din ang magiging ani sa bansa sa kabila ng matinding init ng panahon.
Ayon kay NIA Acting Administrator Eduardo Guillen, nagsasagawa na rin sila ng mga pagsasanay para sa Alternate Wetting and Drying technique para sa layuning madagdagan pa ang mga irrigatable land na kanilang mapapatubigan.
Ang Alternate Wetting and Drying technique ay isa sa mga water-saving technologies na ginagamit ng Department of Agriculture para tulungan ang mga magsasaka na bawasan pa ang water consumption sa mga irrigated fields ng mga ito.
Sa kasalukuyan ay sinisikap ng National Irrigation Administration na mapanatiling sapat ang suplay ng tubig sa mga irigasyon at sakahan sa buong Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng epekto ng nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.
Inihayag din ni Administrator Guillen na nakapaghanda na sila kasama ang kanilang mga partner agencies, ng mga hakbangin ukol sa posibleng magiging epektong dry spell sa bansa alinsunod na rin sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Dahilan ito para masabi ng ahensya na posibleng mapataas pa nila ang agricultural product na aanihin sa mga sakahan sa bansa sa kabila ng matinding tagtuyot.














