Latest News

AKRHO fraternity, suportado si Isko pagka-Pangulo

NADAGDAGAN pa ang malalaking grupo na nagbibigay ng suporta kay Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno, matapos na siya ay pormal na inedorso ng mga national leaders at officers ng international fraternity at sorority group na Alpha Kappa Rho (AKRHO) bilang susunod na pangulo ng bansa.

Pinangunahan ni Dr. Joseph De Guzman, Luzon Grand Skeptron ng fratetnity ang may 300 na miyembro ng AKRHO sa pagpapahayag ng kanilang suporta sa Aksyon Demokratiko presidential candidate sa isang pagtitipon na ginawa sa Isko Moreno for President Movement Headquarters sa Intramuros, Manila.

Sa kanyang talumpati ay binaggit ni Dr. De Guzman ang ilang dahilan kung bakit inendorso ng AKRHO si Moreno: dahil sa pagiging maka-Diyos; dahil sa pagiging makabayan at laging iniisip ang kapakanan ng mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng pagtatayo ng housing projects at modern hospitals.


“So, ating President Yorme nakita naman natin sa ating hierarchy of priorities services: ang AKRHO dapat maka-Diyos. Nakita po natin kay Yorme yan, God first. Pangalawa po ang ating priority ay makabayan at ginawa po nya yan sa Maynila. Pangatlo po ay para sa pamilyang Pilipino. Binigyan nya po ang pamilya ng magandang tirahan at ospital sa Maynila,” sabi ni De Guzman .

At kapag nanalo si Moreno sa pagka-Pangulo ay iisa lang ang hiling ng AKRHO, ang magkaroon ng sariling lupa na pagtatayuan ng national headquarters ng Alpha Kappa Rho.

Ang AKRHO fraternity, na itinatag noong 1973, ay may 3 million members nationwide. Ang fraternity ay orihinal na itinatag upang itaguyod ang katapatan, pagkakaisa, at dangal sa lahat ng miyembro ng fraternity . Ito ngayon ay nakarehistro bilang International Humanitarian Service Fraternity and Sorority na humihikayat sa lahat ng mga miyembro nito na makilahok sa mga humanitarian projects at paglilingkod saan man ito gawin.

Maliban kay De Guzman, 29 na iba pang lider ng AKRHO ang dumating sa pagtitipon kabilang na ang senatorial candidate Shariff Ibrahim Albani na tumatakbo sa ilalim ng Labor Party Philippines; Dr. Edwin Trapal, Luzon treasurer; Sonny Genoviz, Luzon Sergeant-at- Arms; Victor Euqenio, Pasig chairman;; Edu Garcia, Batangas Provincial Council Grand Skeptron, at Bhing Lapeña at Myke Velasquez, kapwa chairman ng barangay sa Maynila.


Sa isinagawang programa ay binigyan ng mga AKRHO leaders si Isko na kanilang ka-brother ng ilang souvenir items kabilang ng baseball cap at T-shirt na may kulay at simbulo ng fraternity at isang fiberglass “paddle”.

“I would like to thank each and every one of you coming all the way from different parts of the country. Maraming, maraming salamat sa inyo mga kapatid. At maraming salamat din sa mainit ninyong pagtanggap sa akin bilang kasapi ng Alpha Kappa Rho at sa ating mga opisyales na andirito sa inyong harapan. At sana, sana mabasa kayo ng ulan. Dumami tayo,” ayon kay Moreno.

Tiniyak naman ni Moreno sa lahat ng AKRHO members na ang kanilang kahilingan na magkaroon ng sariling lote na pagtatayuan ng gusali na magsisilbing national headquarters ng AKRHO ay matutupad kapag nanalo siyang pangulo ng bansa.

“Pero ito ay para pumanatag na kayo, mukhang matagal nyo ng pangarap eto. Yung nire-request ninyo na magkaroon kayo ng lote man lang na kung saan maitatayo ninyo ang inyong national headquarters, magkaroon na kayo ng tahanan, diba? Manalangin kayo manalo ako yung pangarap nyo matutupad yun,” pahayag ni Moreno sa mga nagbubunying mga miyembro ng AKRHO


Sa pagpapatuloy ni Moreno sinabi niya na: “Alam nyo ako, modesty aside, wala akong stiff neck. Lahat ng tumulong sa akin nililingon ko, kayo pa lalo pa, kasama nyo na ako. Mano pa masuklian ko ang kabutihang loob na ibibigay nyo sa akin. Kayo, magsisikap umikot, magsisikap makipag-usap, magsisikap dumami, magsisikap mag-kumbinse, yun naman susuklian ko yun pagdating ng araw pag pinalad tayo. Pumanatag kayo dun sa request ninyo.”

Ipinangako rin ni Moreno na kapag siya ay nanalo, ang kanyang administrasyon ay itataguyod ang “Life and Livelihood”, isang polisiyang pang-ekonomiya na layuning tugunan ang poverty, hunger, unemployment, inequality at social injustice sa pamamagitan ng inclusive at equitable infrastructure development program na nakapaloob sa kanyang 10-point Bilis Kilos Economic Agenda.

Sinabi ni Moreno na upang maisakatuparan ito, ang kanyang administrasyon ay itutuloy ang Build, Build Build program ng President Rodrigo Duterte na naka-focus sa pagtatayo ng marami pang public housing, public schools, public hospitals sa buong bansa at lumikha ng mas marami pang trabaho para sa mamamayan.

“Kaya patuloy tayong makikisuyo, hihingin ang tulong sa lahat man ng ating mga kababayan sa bawat sulok ng ating bansa. Yung pagsisikap ninyo na ipagtagumpay yung laban natin ay susuklian ko naman ng masipag, walang pagod, although nakakapado, but hindi tayo susuko na mapagtagumpayan natin ang laban ng sama-sama,” ayon pa kay Moreno. (TSJ)

Tags:

You May Also Like

Most Read