AFP, UMALMA SA FAKE NEWS; MAGKAPATID NA TULFO, HINDI AARESTUHIN NG MILITAR

By: JESSE RUIZ

NAGSAGAWA ng paglilinaw ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na walang katotohanan ang mga balitang aarestuhin ng militar ang magkapatid na senador na sina Erwin at Raffy Tulfo, na una nang pinalutang sa social media.


Mariing itinanggi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ang mga bali-balita at ayon sa kaniya, hindi pinapansin ng AFP ang mga walang basehan at hindi napatutunayang mga alegasyon sa social media.

Paliwanag ng hukbong sandatahan , hindi tungkulin ng AFP ang magpatupad ng batas o magsagawa ng pag-aresto sa mga sibilyan sa ilalim ng Republic Act No. 6975 o Department of the Interior and Local Government Act of 1990 at ang gawaing ito ay mandato ng Philippine National Police (PNP). Ang AFP ay maaari lamang mag-aresto kung ang sangkot ay miyembro ng militar na lumabag sa Articles of War.

Maging ang ilang media organizations ay nagsagawa rin umano ng kanilang pagsusuri at agad na inulat na pekeng balita o fake news ang mga kumakalat na video sa YouTube at Facebook na nagsasabing may warrant of arrest laban sa magkapatid na Tulfo mula sa Korte Suprema.


“The AFP does not dignify unverified and unvalidated claims circulating on social media,” ani Padilla at taliwas sa sinasabi sa isang Facebook post, hindi umano totoong “handa arestuhin” ng AFP ang magkapatid na Senador kung sakaling maglabas ng warrant of arrest ang Korte Suprema.

Nabatid na unang pinaskil sa Facebook ang nasabing ‘clickbait’ noong September 27, 2026 at nitong October 8, naka-ipon na ito ng 5.5K reactions at naibahagi na nang 621 beses.




Napag-alaman na nilinaw ni Supreme Court spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting na walang anumang nakabinbing kasong kriminal laban sa magkapatid na Tulfo sa Korte Suprema na magiging dahilan para magpalabas ng warrant of arrest.

Patuloy na ginagampanan ng mga Tulfo ang kanilang mga tungkulin sa Senado at wala umanong katotohanan ang mga edited na larawan na nagpapakitang sila ay hinuli.


Hinikayat ni Col. Padilla ang publiko na maging mapanuri at kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang sanggunian.

Dahil dito ay pinapayuhan ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga ‘clickbait ‘na video sa social media.



Tags: Armed Forces of the Philippines

You May Also Like

Most Read