HUMINGI ng paumanhin ang advertising firm na kinontrata ng Department of Tourism para sa “Love the Philippines” video campaign kay Tourism Secretary Christina Frasco, sa buong ahensya, at sa publiko at ipinaliwanag ang ‘paggamit” nito ng non-original/stock footage sa audio-visual presentation (AVP).
Sa isang pahayag noong Linggo, sinabi ng DDB Philippines na inaako nito ang buong responsibilidad sa pagkakamali.
“As DOT’s agency on record for the launch of this campaign, we take full responsibility over this matter,” ayon sa pahayag na inilabas ng ad firm . “We are fully cooperating with and assure our full compliance towards the Department of Tourism’s investigation of this matter.”
Ang AVP na na-upload sa social media noong Biyernes ay tinanggal na rin.
Ang blogger na si Sass Sasot ang unang pumansin na halos anim na clips na tampok sa AVP ay hindi matatagpuan sa Pilipinas at hinango sa isang “stock video footage site.”
Agad namang nagpahayag ang DOT na maglulunsad ng imbestigasyon. upang “matukoy ang katotohanan” at “kumalap ng impormasyon” ukol isyu.
Ayon sa DDB, layunin ng inilabas nilang toursim video na maging isang “ mood video to excite internal stakeholders about the campaign.”
Iginiit din ng DDB na ang naturang video ay sarili nilang gastos at walang public fund na ginamit para ito ay mai-produce.
“This was a DDB initiative to help pitch the slogan,” paliwanag ng ad agency.
Sinabi rin ng DDB na bagaman ang paggamit ng stock footage sa mood video ay karaniwang practice sa industriya, ang paggamit ng dayuhang stock footage ay inamin nilang kanilang na “overlook.”
“Proper screening and approval processes should have been strictly followed. The use of foreign stock footage in a campaign promoting the Philippines is highly inappropriate, and contradictory to the DOT’s objectives,” dagdag na paliwanag ng DDB.
Ayon pa sa DDB, ang mga susunod na materyales para sa promotion ng “Love the Philippines” slogan ay hindi pa umano tapos.
“We sincerely hope this will not diminish the genuine love and appreciation the stakeholders and the public have been showing for the ‘Love The Philippines’ campaign,” ayon sa DDB.
Matatandaang sinabi noong Martes ng DOT na napakahusay ang pagkakagawa ng tourism AVP na ipinakita sa publiko sa paglulunsad ng bagong slogan na DOT na “Love The Phillipines,” ang pumalit sa 11-year-old nang slogan ng DOT na “It’s More Fun in the Philippines.”