INILUNSAD na ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Lunes ang kanilang 40 days of prayer and discernment campaign para sa Eleksyon 2022.
Layunin anila nitong mas marami pang tao ang maabot at matulungang makapamili ng kandidatong iluluklok sa puwesto, alinsunod sa pamantayan ng Panginoon.
Nabatid na ang unang araw ng naturang 40-araw na panalangin ay isasagawa sa Marso 30, 2022, o eksaktong 40-araw hanggang sa Mayo 9, na siyang araw ng halalan sa bansa.
Sa idinaos na “I Vote God” media conference, sinabi ni Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Antonio Labiao Jr. na patuloy nilang ie-empower ang mga mamamayan at isusulong ang good governance sa bansa, sa pamamagitan ng pagdaraos ng voters’ education programs bago ang halalan.
“In 40 days, sana meron tayong magagawa. We can reach out to more people. Ang importante na ang voters natin, makilala nila nang lubos kung sino ‘yung mga kandidato para hindi lang tayo nagboboto dahil inutusan tayong bumoto at dahil lang nakuha natin sa social media,” ayon pa kay Labiao.
Binigyang-diin rin ni Labiao ang kahalagahan ng pagtanggi sa vote buying at vote selling dahil inaalis aniya ng mga ito ang kasagraduhan ng boto ng mga mamamayan.
“Sana ‘wag tayong bumoto na dahil merong pera na kapalit ito or else we lose already the sacredness of our vote, we surrender our power, wala na tayong karapatan magsalita kasi binenta na natin ‘yung ating kapangyarihan,” dagdag pa niya. (Jaymel Manuel)