INATASAN ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr. ang dalawang police generals at walong police officers na maghain ng kanilang leave of absence matapos na masangkot sa umano’y tangkang ‘cover- up’ sa 990 kilos shabu raid noong nakaraang taon.
Una nang kinilala ni Atty. Abalos ang mga PNP officers na target ngayon ng imbestigasyon kaugnay sa pagkakahuli ng 990 kilograms ng shabu, kay PSMG Rodolfo Mayo, Jr. ng PNP-drug enforcement group. May katumbas na halagang P6.7 billion ang nasabing shabu na huli noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Sa ginanap na biglaang pulong-balitaan ay iprinisinta mismo ni Abalos ang mga closed-circuit television o CCTV footage na nakuhanan noong araw ng pagkakaaresto kay Mayo, kung saan makikita ang ilang opisyal ng PNP sa lugar.
Sinasabing base umano sa naturang video, nadiskubre ang sabwatan at tangkang pagtakpan si Mayo matapos itong arestuhin at muling pakawalan.
Mariing inihayag ni Abalos na hindi siya kuntento sa inilabas na report ng PNP hinggil sa naturang operasyon dahil iba umano ang nakita kumpara sa nai-file na mga dokumento at testimonials na ibinigay ng mga sangkot na police officers, dahilan kung bakit bumuo siya isang advisory board mula sa National Police Commission na tututok sa nasabing imbestigasyon.
Una rito, naging kontrobersyal din ang isyu hinggil sa ginawang pagkaltas ng 42 kilos sa 990 kilos na shabu na nasabat ng mga otoridad mula sa pangangalaga ni Mayo na kalauna’y narekober din ng mga otoridad sa isang abandonadong sasakyang naka-park sa kahabaan ng Boni Serrano Ave. sa San Juan City, malapit sa Camp Crame.
Kabilang sa mga kinilala ni Abalos na sangkot sa naturang ilegal na operasyon ay ang dating top 3 ng PNP na si dating Deputy Chief PNP for Operations na si PLTGEM Benjamin Santos Jr.; Police Brigadier General Narciso Domingo, Director of the PNP drug enforcement group (pdeg); Police Colonel Julian Olonan, Chief of PDEG special operations unit (sou) Region 4a; Police Captain Jonathan Sosongco, Head of the PDEG Special Operations Unit 4A arrest team; LT COL Arnulfo Ibañez, OIC of PDEG SOU unit NCR; Police Major Michael Angelo Salmingo, Deputy of PDEG SOU unit NCR; PLTCOL. Glenn Gonzales of Quezon City Police District; PLT. Ashrap Amerol, Intelligence Officer of PDEG Intelligence and Foreign Liaison Division; PLTCOL. Harry Lorenzo, Manila PD Moriones station commander, at PCapt Randolph Piñon, chief of PDEG SOU 4A intelligence section.
Base sa imbestigasyon ni Abalos, ang nasabing mga kapulisan ay sinubukang pagtakpan ang suspek na si Police MSgt. Rodolfo Mayo na miyembro ng PNP Drug Enforcement Group.
Dahil sa mga rebelasyong ito ay nanawagan si Abalos sa mga sangkot na opisyal na maghain muna ng leave of absence sa loob ng linggong ito para magbigay-daan sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng National Police Commission, dahil kung hindi ay walang pagdadalawang- isip niya raw na sususpindihin ang mga ito sa kanilang serbisyo.
Bukod sa 11 opisyal ng pambansang pulisya ay kumpiyansa rin si Abalos na marami pang iba ang sangkot din sa katiwalian. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














