Low risk regions sa bansa, dumarami pa

NASA low risk na sa COVID-19 ang halos lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Davao Region.

Ito ang iniulat ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa idinaos na briefing sa Palasyo nitong Martes.

Ayon kay Vergeire, ang lahat rin ng rehiyon ay nakakapagtala na lamang ng mas mababa pa sa 1,000 na bagong COVID-19 nitong nakalipas na linggo.


“Maliban po sa CAR at Region 11, ang lahat po ng rehiyon ay nasa low-risk case classification na,” ulat pa ni Vergeire.

“Lahat po ng rehiyon ay nagpapakita na ng negative 2-week growth rates at nakakita na tayo ng pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19,” aniya pa.

Samantala, ang Pilipinas ay kasalukuyan na rin aniyang nasa low-risk case classification na may negative 1-week at 2-week growth rates at moderate risk average daily attack rate (ADAR).

“Ang atin din pong national healthcare systems capacity ay nasa low risk maliban sa Region 11 na nasa moderate risk ang kanilang ICU utilization rate,” aniya pa.


Batay aniya sa datos ng DOH, nasa 12% hanggang 15% lamang ng national hospital admissions ang severe at critical cases at karamihan ng naoospital ay may mild at moderate na sintomas lamang.

Patotoo aniya ito na mabisang panangga ang bakuna laban sa malubhang karamdaman.

“Karamihan sa nao-ospital ay mild at moderate ang sintomas. Patotoo ito na mabisang panangga ang mga bakuna laban sa malubha at critical na sakit na dulot ng COVID-19,” aniya pa. (Jaymel Manuel)


Tags: Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire

You May Also Like

Most Read