NGAYONG nalalapit na naman ang 2025 midterm election ay pinangangambahan na muling bumaha ng supply ng illegal na droga sa bansa para pondohan ang ilang ‘narco politicians.’
Ayon kay Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Chief P/BGen. Eleazar Mata, may mga natatanggap silang intelligence reports na may mga magtatangkang magpuslit ng droga sa bansa.
Hinihinalang gagamitin umano ito para ibenta at pondohan ang ilang personalidad na tatakbo sa nalalapit na eleksyon.
Nabatid na kasalukuyang bineberipika ng mga awtoridad ang kanilang mga hawak na intel reports hinggil sa ilang local politicians na sangkot sa iligal na droga at sugal.
Samantala, inihayag din ng opisyal na binabantayan din nila ang pagkalat ng “liquid shabu” na mas mahina ang tama at mas mura sa merkado.
Inilalako umano ang liquid shabu sa social media at may kasalukuyan nang network sangkot ang ilang Pilipino, gaya ng dalawang naaresto sa ?89 milyon drug-buy bust operations kamakailan.
Nasabat ng mga tauhan ng PDEG ang bagong anyo ng shabu sa ikinasang operasyon sa Maynila. Sinasabing mas mura at mas madaling itago ang liquid shabu kumpara sa tradisyunal na shabu.
Kasunod nito, pinayuhan ng pulisya ang mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak lalo’t target ng mga sindikato ang mga kabataan.