Pinaghahanap ng pulisya ang isang lalaking nanaksak ng kasama ng kanyang girlfriend dahil sa selos sa Herbosa corner CP Garcia Street,Brgy 112, Tondo,Maynila.
Ang sugatan na miyembro ng Sputnik gang at nagpapagaling sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) ay kinilalang si Aaron Paul Erispe, 24, ng No. 48B Sta Teresita St,Brgy 110, Tondo, Maynila. Sinaksak siya sa kaliwang torso, habang tumakas naman ang suspek na nakilala lamang sa alyas na ‘Ompong’.
Ayon sa biktima, naglalakad umano sila sa nabanggit na lugar kasama ang nobya ng suspek na si Alyas Beng at isa pang babae na si Macy Ann sa naturang lugar nang makita sila ng suspek.
Kaagad umanong nagalit ang suspek at nagselos matapos na makitang kasama ng biktima ang nobya at agad itong inundayan ng saksak.
isinugod naman sa pagamutan ang biktima habang isinama ng suspek ang nobya sa pagtakas.
Pinaghahanap ng pulisya ang suspek para papanagutin sa krimen.














