Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isa sa tatlong holdaper na dimano ay nambiktima sa isang information technology expert at girlfriend nito, habang sila y naglalakad sa Quirino Avenue, Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District – Station 9 ang suspek na si Adrian Bautista alyas ‘Lapus,’ 26, miyembro ng Bahala na Gang at residente ng 2274 Leveriza St. Malate, Maynila.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawa pang kasama ng suspek na kinilalang sina Oliver Gernale at Haixano Pytal, kapwa ng Malate ,Maynila.
Si Bautista ay positibong kinilala ng 27-anyos na biktimang si Aljohn Dela Cruz, ng Novaliches, Quezon City na siyang nanutok sa kanila ng kutsilyo bago nagdeklara ng holdap .
Ayon sa imbestigasyon ni PCpl Jurist E Angeles,naganap ang insidente , alas 8:30 ng gabi sa nabanggit na lugar.
Naglalakad umano ang biktima at kanyang girlfriend nang harangin sila ng suspek at holdapin.
Puwersahang kinuha ng mga suspek ang kulay asul na Lacoste sling bag ng biktima na naglalaman ng Samsung Galaxy A04E , wallet na may lamang P8,000, driver’s license at ATM.
Matapos tumakas ng mga suspek ay humingi tulong ang biktima sa mga pulis na siyang humabol sa mga suspek, kung kaya’t naaresto si Bautista bagamat nakatakas ang mga kasamahan nito.
Nakuha ng mga pulis mula sa suspek ang isang kutsilyo na may habang 14 pulgadas subalit ang sling bag at kagamitan ng biktima ay di na na-recover pa.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong robbery sa Manila Prosecutor’s Office.