NAMATAY NA PNP-SAF, 2 PANG SUGATAN, PINARANGALAN NG DILG

By: Victor Baldemor Ruiz

PINARANGALAN ng Department of Interior and Local Government at Philippine National Police ang mga tauhan ng PNP-Special Action Force na napalaban nang husto sa isinagawang law enforcement operation sa Taw-Tawi na ikinamatay ng isang pulis at ikinasugat ng dalawang iba pa.

Personal na nagbigay-pugay sina Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr. at PNP chief PGen. Rommel Marbil sa mga bayaning pulis ng Special Action Forces, bunsod ng naganap ns engkwentro laban sa grupo ng Abu Sayyaf kung saan ay napatay din ang target ng kanilang law enforcement operation.


Nitong Huwebes, Mayo 30, ay iginawad ang Medalya ng Katapangan (PNP Bravery Medal) at Medalya ng Sugatang Magiting (PNP Wounded Personnel Medal) kay Master Sergeants Mohammad Lee Aharul at Alberto Olbis sa Ciudad Medical de Zamboanga.

Nagbigay din ito ng financial support sa mga sugatang pulis at sa pamilya ng mga ito na nagsisilbing pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon.

Kasunod ng pagbisita sa mga sugatan , dumalaw naman sa lamay ni Pat. Ian Valdez si Abalos at Marbil sa St. Peter Memorial Chapel, Barangay Divisoria, Zamboanga City.


Ginawaran si Valdez ng Medalya ng Katapangan para sa kanyang sakripisyo at dedikasyon sa trabaho.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang mga opisyal sa naiwang pamilya at nagbigay ng financial assistance sa mga ito.


“Their courage and dedication in the face of extreme danger serve as an inspiration to all members of the PNP,” pahayag ni Abalos.

Sa naturang operasyon, napatay ng mga awtoridad si Abu Sayyaf Group (ASG) sub-leader Udon Hasim sa bakbakan sa Barangay Lahay-lahay, Tandulas, Tawi-Tawi.


Si Hasim ay wanted sa four counts of frustrated murder at 17 counts ng murder. Sangkot din ito sa illegal drug trade.

Ayon kay Abalos, kahanga-hanga ang katapangan na ipinakita ng tatlo na nagsakripisyo para sa kanilang trabaho.

Sinabi naman ni Marbil na dapat tularan ng PNP ang ginawa ng tatlo na sa kabila ng peligro ay naging tapat sa pagtupad ng kanilang tungkulin.



Tags: Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr., PNP chief PGen. Rommel Marbil

You May Also Like