NAKIPAGLAMAY, NADAGDAG PA SA BILANG NG NASAWI; PATAY SA LINDOL, 6 NA

DAGDAG

UMAKYAT na sa anim ang bilang ng mga nasawi sa Cordillera region bunsod ng Magnitude 7.0 earthquake na tumama sa hilagang Luzon matapos itong madagdagan ng isang na laki na nabagsakan ng bato habang nakikipaglamay.


Sa ulat na ipinarating sa National Disaster Risk reduction Management Council, isang lalaki ang natabunan ng gumuhong lupa sa Monamon Sur, Bauko, Mountain Province habang ito ay dumadalo sa lamay kamakalawa ng umaga.

Nakilala itong si Andres Sagayo, 59 taong- gulang, mula Pactil, Monamon Sur, Bauko Mt. Province.

Pinangunahan ng PNP at AFP ang rescue operation para kay Sagayo, na tumagal ng isa at kalahating oras at naitakbo pa ito sa pagamutan sa Benguet pero idineklarang dead on arrival.


Samantala, naidagdag na rin sa listahan ng mga namatay ang isang magsasaka sa Buguias, Benguet na namatay matapos itong mag panic at atakehin sa puso habang nasa bukid kasunod ng malakas na lindol kahapon.

Matatandaang kabilang sa unang naitalang namatay ang isang construction worker sa La Trinidad, Benguet; isang construction worker sa Tuba, Benguet, isang construction worker sa Kalinga at isang residente sa Abra.


Samantala aabot din sa 137 ang bilang ng mga sugatan bunsod ng malakas na lindol na tumama sa Cordillera region.

Patuloy pa rin ang ginagawang assessment ng mga awtoridad tungkol sa epekto ng lindol.


Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, umabot na rin sa 136 ang reported injuries habang apat ang nawawala.

Kabuuang 79,260 indibidwal o 19,486 families mula sa 246 na mga barangay sa Ilocos Region at Cordillera ang naapektuhan ng lindol.

Nasa 1,622 pamilya o 5,819 indibidwal naman ang nananatili pa rin sa 26 na evacuation centers habang 360 pamilya o katumbas ng 1,512 indibidwal ang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.



Nananatili naman sa open spaces malapit sa mga ospital ang mga pasyenteng inilikas din dahil sa lindol.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga ospital na tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid nila ng serbisyo kahit nagpapatuloy ang assessment sa naging pinsala ng lindol sa mga health facility.

Umabot na P48.3 million ang halaga ng pinsalang iniwan ng malakas na lindol sa Ilocos, Cagayan at Cordillera Regions.

Batay sa 6.a.m report ng NDRRMC, umakyat na rin sa P4.5 million ang halaga ng pinsala irigasyon habang P3.8 million sa sektor ng agrikultura partikular sa Cordillera.

Nasa 1,583 kabahayan naman ang nasira ng lindol kung saan 1,535 dito ang partially damaged habang 48 ang tuluyang nawasak.

Nakapagtala rin ang ahensya ng tatlong falling incidents, dalawang landslide at tatlong pagguho ng istruktura sa Ilocos at Cordillera at 11 kalsada pa ang hindi madaanan habang 79 na mga kalsada at pitong tulay ang bukas na ulit sa mga motorista.

Samantala, ayon kay Timbal ay fully-restored na ang suplay ng kuryente sa 38 mga lungsod at munisipalidad habang isang lugar na lamang ang patuloy na nakararanas ng water supply interruption. Unti-unti na ring naibabalik ang signal at internet.

Nanatili hanggang kahapon na kanselado ang 94 na klase at 183 work schedules sa Ilocos, Cagayan at Cordillera dahil sa lindol.

Ayon kay Mark timbal, “Our government has signified there are standby funds ready to be provided to local government units in case they would need augmented funding.” (VICTOR BALDEMOR)

Tags: National Disaster Risk reduction Management Council

You May Also Like