Lumabas na din sa publiko sa wakas ang matagal nang bulung-bulungan sa apat na sulok ng NAIA tungkol sa pagnanakaw ng 300 dolyares mula sa isang papaalis na Chinese passenger na nangyari noon pang Setyemre 8, 2023 at diumano ay sinisikap itago ng ilang kinauukulan. Ang may sala ay magkakasabwat umano na personnel ng office for transportation security (OTS) na pinamumunuan ni Usec Ma O Aplasca.
Nakabibingi ang katahimikan ng OTS ukol sa isyu kahit napakatagal nang nangyari, dahil kundi pa nagsikap ang mga miyembro ng Airport Press Club (APC) na makakuha ng detalye at larawan ay hindi talaga lalabas ang isyu sa publiko.
September 14 nang makatanggap ang APC ng tip na may pasaherong ninakawan ng $300 ng isang taga-OTS. Kinabukasan, laman na ito ng viber group ng APC. Pagdating ng Lunes, isang miyembro ang tumawag sa OTS para humingi ng detalye pero ang sinabi ay iniimbistigahan pa daw nila gayung September 18 na ‘nung araw na ‘yun, o sampung araw matapos mangyari ang nakawan.
Maya-maya pa, naglabas ang OTS ng ‘praise release.’ Bakit praise release? Wala ang mga detalyeng hinahanap ng media gaya ng kung kelan saan at anong petsa ang insidente, sino ang mga involved at kung ano ang buong pangyayari at sa halip, puro na papuri sa sariling ahensiya ang laman kung paano daw nila inaaksyunan ang mga ganoong pangyayari. Sa unang paragraph, nakasaad na matapos daw nilang makatanggap ng impormasyon ukol sa pagkuha ng isang security screening officer ng OTS ng $300 sa NAIA Terminal 1, umakto daw agad ang OTS. Kesyo hinihimok din ang publiko na magreport ng illegal activities tapos lahat ng sumunod na paragraphs puro na puri sa OTS din.
Sa kasamaang-palad para sa OTS, nakakuha ang APC members ng kopya ng report at mga litrato ukol sa insidente kaya ayun, pumutok ang isyu.
Ang kakatwa, sinabi ni Aplasca sa isang interview na hindi pa daw diyan natatapos ang mga insidente ng nakawan dahil nariyan pa daw ang ‘core.’
“As of today, based on my observation, sa tingin ko, hindi pa ito ang huli dahil nandiyan pa ‘yung talagang core ng mga tao na ano. hindi pa rin tumatalima dun sa ating bagong direksyon tsaka sa internal cleansings program natin but I can confidently say na, the chances of them being caught ay masyadong mataas na ngayon because we have new personnel…mga bagong breed na di nila ito-tolerate.” ‘Yan ang eksaktong sinabi niya.
Ibig pala sabihin, alam niyang may mga matigas sa paggawa ng kalokohan? Bakit di niya ito buwagin kaagad-agad? Lumalabas din na sa tingin daw niya, may susunod pa sa ulit na insidente ng nakawan kasi nga hindi pa daw ‘yan ang huli base sa kanyang sariling obserbasyon. Kaawa-awa naman ang mga inosenteng pasahero. Maghihintay na lang kung sino sa kanila ang magiging susunod na biktima, ganun ba? Alam kaya ni Aplasca ang implikasyon ng mga binitawan niyang salita?
Naalala ko tuloy nung maging warden si Mayor Fred Lim sa Manila City Jail. Tinipon niya ang mga sigang mayor duon. Binalaan niya ang mga ito na ayaw niya nang may tatakas o riot kundi ay sila mismo ang mananagot. Ayun. Naging tahimik ang Manila City Jail sa ilalim ng kanyang pamumuno. Alam kasi ng mga mayor na ‘may kalalagyan’ sila at seryoso si Lim sa kanyang babala.
Sa kaso ng OTS, paulit-ulit na lang ang nangyayaring nakawan at palala nang palala ang sitwasyon. Ngayon may lunukan pa ng dolyar na nagaganap. Talaga namang nakakahiya sa mata ng ibang bansa.
Lumalabas, hindi sinesersyoso ng mga OTS personnel ang pupuwede nilang sapitin kapag sumabit sa pagnanakaw na ginagawa nila. Hindi sila takot kay Aplasca o alam nilang may tutulong sa kanila para pagtakpan ang insidente sakaling sumingaw ito.
Sa sinabi mismo ni Aplasca na mayroong ‘core’ sa OTS na posibleng gumawa ulit ng nakakahiyang pagnanakaw sa hinaharap, umaasa daw siya na ikakanta ng mga bagong OTS na ‘new breed’ ang mg kalokohan ng kanilang mga kasamahan. Hindi raw kukunsintihin ng sinasabi niyang bagong breed ng OTS ang mga ‘core’. Eh pano naman ‘yung posibilidad na matukso sila sa kinang ng salapi at magdesisyong sumanib na lang sa sinasabi niyang ‘core?’ Bakit dapat iasa ang paghinto ng masamang gawain sa isang bagay na walang katiyakan at masasabing suntok sa buwan?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.