Arestado sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang miyembro diumano ng Chinese kidnapping syndicate na pinaniniwalaang nasa likod ng pagdukot at pagpaslang sa isang Chinese -Malaysian POGO employee noong Oktubre, 2023.
Sinabi ni Atty. Joel Tovera, Assistant Regional Director ng NBI- National Capital Region, na ang suspek na Chinese national na pinaniniwalaang miyembro ng Chinese syndicate na sangkot umano sa kidnapping ng kanilang kabaro ay naaresto sa ikinasang operasyon Miyerkules ng gabi sa Baclaran, Pasay.
Napag-alaman din kay Tovera na nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa modus ng sindikato na kumidnap ng kapwa nila Chinese national at hinihingan ng ‘ransom’ ang pamilya nito at sa kabila nang nagbigay ng ransom ay pinapatay pa rin ng sindikato ang biktima.
Sa kabila nang nagbigay na ng ransom money ang pamilya ng POGO employee na aabot sa P4 milyon, pinatay pa ang biktima at itinapon ang bangkay sa San Simon, Pampanga.
Natunton ng NBI ang sasakyan na ginamit ng suspek na ginamit din nang itinapon ang biktima sa Pampanga.
Ayon kay Tovera, nahirapan sila sa pagtukoy sa sasakyan dahil papalit-palit ang plaka nito pero sa kabila nito ay naaresto ang driver nito sa Baclaran, Pasay.
“Nakita po natin itong sasakyan na ito galaw ng galaw tumatakbo from one place to another, Taguig, Pasay, Makati at Clark sa Pampanga. At ito raw na ito nakita ng ating mga operatiba ang sasakyan sa Clark, at sinundan na po namin ito dahil itong sasakyan kinakabitan nila ng ibat ibang plate numbers,” ani Atty. Tovera.
Nasamsam sa suspek ang mga illegal na droga , drug paraphernalia, mga bala at mga pekeng plaka.
Nakakita rin ang NBI ng magazine ng kalibre .45 at meron ding hinihinalang white crystalline substance o shabu.
“Lahat ay ifo-forward namin sa ating forensic chemistry division for further analysis,” dagdag ni Atty. Tovera.
.
Samantala, sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Carnapping Law, paglabag sa Dangerous Drugs Act at Illegal Possession of Firearms and Ammunition ang suspek.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang NBI sa pagtugis sa iba pang miyembro ng sindikato.














