Nahaharap ngayon sa kaso ang isang 54-anyos na security guard matapos nitong murahin at bulyawan ang mag-inang dumaraan lamang sa isang iskinita kung saan siya nainom, kahapon ng madaling araw sa Block 15-B, Brgy. 649 Zone 68, Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Kinilala ng Manila Police District -Police Station 13 ang suspek na si Angelito Acaso, ng Bagumbong, North Caloocan.
Sa reklamo ng Grade 1 student , kasama niya ang kanyang ina at naglalakad sila sa iskinita pauwi sa kanilang bahay nang mapadaan sa suspek na noon ay umiinom ng alak.
Nang dumaan ang mag-ina, sumigaw umano ang suspek ng : “KAYONG MGA P…NA NYO, SINO BA KAYO DITO PARA MAGPATABI SA ‘KIN. NAKIKIRAAN LANG KAYO HA!”
Sa takot ng bata ay nagsimula itong umiyak at kasunod nito ay binulyawan muli ito ng suspek at sinabihan ng: “IKAW P.,,NA MONG BATA KA! P…NA N’YO, ‘WAG KAYONG DADAAN DITO!”
Nagmamadali umanong iniwan ng mag-ina ang suspek at kaagad na pumasok sa.kanilang bahay.
Dahil sa dinanas na trauma ng bata ay minabuti ng.mag-ina na mag-reklamo sa MPD-PS13.
Kaagad namang nagtungo sa nabanggit na.lugar ang mga pulis at inabutan ang suspek na umiinom pa sa iskinita, dahilan para arestuhin ito.
Sinampahan ng kaukulang kaso sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek sa paglabag sa Sec.10 ng Republic Act 7610 o “any person who shall commit any other acts of child abuse, cruelty or exploitation or to be responsible for other conditions prejudicial to the child’s development.”