Nagpaabot ng lubos na pakikiramay ang pamunuan ng Manila International Airport authority (MIAA) sa pamilya ng 26-anyos na lalaking helper na nasawi matapos tumalon mula sa curbside ng departure area ng NAIA Terminal 1 at bumagsak sa mga bakal na gangchairs sa arrival area Huwebes ng hapon.
Lumitaw sa imbestigasyon at mga footage na nakalap mula sa CCTV camera na alas-12:36 ng tanghali ay sumampa sa mataas na pasimano sa departure area bago tumalon ang biktimang si Michael Laureño, tubong Brgy. Sto. Niño, South Cotabato.
Buhay pa si Laureno nang bumagsak at naisugod pa ng MIAA medical team sa Pasay City General hospital ng ala-1:14 p.m. Binawian ito ng buhay alas- 2:45 ng hapon.
Sa isang statement na ipinadala ni public affairs office chief Connie Bungag, nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng MIAA sa pangunguna ng bagong general manager nitong si Cesar Chiong.
Nabatid na bago mangyari ang pagpapakamatay ng biktima ay nakita ito sa departure area na balisa at palakad-lakad sa lugar kung saan naroon ang mga taong naghahatid sa kanilang mga kaanak na patungong abroad.
Napag-alaman naman sa isang Facebook post ng kaanak ng biktima na ito umano ay dumaranas ng depresyon dahil sa nawalan ng trabaho at bunga niyan ay wala na din itong matuluyan at wala ring malapitan para sa kinakailangang tulong. (Baby Cuevas)