Latest News

NAIA DIGITALIZATION, BALAK NI GM CHIONG TAPUSIN SA LOOB NG 12-15 BUWAN

By: Jerry S. Tan

Lubhang ikinagalak ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Cesar Chiong nang pangunahan ng Cebu Pacific (CEB) ang pagsisimula ng kanyang ‘digitalization project’ sa mga pangunahing NAIA Terminals.

Sabi ni GM Chiong, ang malaking inisyatibong ginawa ng CEB para magbwena-mano ay magdudulot ng kaginhawaan sa ‘airport experience’ ng mga air travellers.

Natutuwa si GM Chiong dahil hindi lang naman daw talaga sa airport management lang dapat dumepende ang lahat. Dapat, aniya, na lahat ng mga hakbang para mapaganda ang paglalakbay ng mga pasahero sa pamamagitan ng mga terminal ng NAIA ay dapat umanong maging bunga ng ‘collaboration’ kasama lahat ng mga stakeholders lalo na mga airlines.


Nagtakda si GM Chiong ng timeline na 12 hanggang 15 buwan para ipatupad ang digitalization sa lahat ng airlines, bagamat nauna na nga ang CEB sa bagay na ito.

Ilang areas ng paglalakbay sa airport ang target ni GM Chiong na mapasama sa pinaplano niyang buong digitalization sa paliparan: check-in bagdrop; security screening para pagpasok sa security ay di ka na hanapan ng tiket o boarding pass dahil isa-scan na lang ang QR code para malaman din ng airport na nasa loob ka na ng terminal at ito ay tinatawag na ‘passenger reconciliation system; at self-boarding project na ‘yung QR code na din ang kailangang pa-scan para makapunta sa boarding gate.


Balak daw niyang mailabas na sa susunod na buwan ang terms of reference ng nasabing proyekto.

Sinabi ni GM Chiong ang mga bagay na ito nang personal niyang tinignan ang bagong sistemang itinatag ng CEB. Kasama ni GM sina senior assistant general manager Bryan Co at T3 Manager Lauro Francisco at assistant manager Bernald Joseph Juare, CEB Vice President for marketing Candice Iyog, spokesperson Carmina Romero, Corporate Social Responsibility Specialist Roxanne Gochuico, CEB external PR representative Malou Reyes, Cebu Pacific Vice President for Customer Service Operations Lei Apostol at station manager Michael Diorissimo Madamba.


Sa ilalim ng nasabing sistema, ang mga pasaherong nakapag-online check-in ay papasok sa ‘dedicated gate.’ Mula sa unang entrance sa NAIA T3 Departures (Online Check-In Entrance), ang mga customers na nagcheck-in online ay maari nang dumiretso sa boarding gate.

Kung kailangan naman nilang magcheck-in pa ng mga bag, maari silang dumiretso sa ‘self-bag tag kiosks’ at Isle E, i-scan ang kanilang boarding passes sa mga machine na nagkalat doon, i-print at pagkatapos ay i-attach ang tags sa kanilang mga bags.

Matapos niyan, maari nang magpunta ang domestic passengers sa online check-in bag drop counters sa E16-E29, samantalang ang mga international passengers ay maaring i-check ang counters na naka-assign sa kanila sa pamamagitan ng pagtingin sa flight information monitors malapit sa Isles D at E.

Samantala, ang mga pasaherong hindi nagcheck- in online ay maaring pumasok sa Gates 1 at 2 at gamitin ang naunang check-in kiosks na matatagpuan sa pagitan ng Isle D at E. Maari din silang mag-print ng bag tags at gamitin ang bag drop counters sa pagitan ng D16-D29 at E1-E15.

Handa din umano ang airline na rumesponde sa mga kailangan ng pasahero na may ‘same-day flights’ sa pamamagitan ng operasyon ng 24/7 help desk sa ticket office nito malapit sa NAIA T3 Arrival Gate 6.

Ani CEB VP Iyog, mayroon na rin ngayong ‘repack area’ ang CEB kung saan ang mga pasahero ay maaring alamin kung pasok ba sa baggage limit ang timbang ng kamilang bagahe. Kesa sa check-in counter pa sila nagbabawas ng mga laman ng bag, maari na itong gawin sa nasabing ‘repack area’.

Nasaksihan ko din ang buong proseso at masasabi kong pinag-isipang talaga ang naturang bagong sistema. Congrats sa CEB at MIAA!!!

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

 

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read