NAIA 3 AIRPORT POLICE, PINURI NG PASAHERO SA MABILIS NA AKSYON

By: Jerry S. Tan

Buong-pusong nagpapasalamat ang pasaherong si Kimberly Nakamura sa NAIA Terminal 3 Airport Police at Screening and Surveillance Division na kanya ring pinuri sa kanyang social media post dahil sa mabilis na pagkakabawi ng kanyang nawawalang jewelry box na naglalaman ng wedding rings, diamond necklace at mga hikaw. Napagtanto ng pasahero na nawawala ang kanyang jewelry box pagdating niya sa Singapore mula NAIA noong June 28, 2025.

Agad niyang kinontak ang airport authorities at alinsunod naman sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. na dapat ay mabilis ang pagbibigay ng assistance sa mga nangangailangan nito, kagyat na nakipag-ugnayan ang APD sa Screening and Surveillance Division.


Nakumpirma sa CCTV footage na ang nasabing jewelry box ay naiwan sa Gate 104 at pinagpasa-pasahan umano ng may sampung tauhan, kasama na ang security personnel. Sa kabila umano ng ilang pagkakataon ay walang nag-report nito sa Lost & Found Section.

Dahil sa pagsisikap ng Terminal 3 APD at Surveillance Team, lahat ng items ay na-recover naman. Sinunod umano nina Airport Police Officers Casey San Juan at Frelyn Leda, pati na rin ng CCTV analysts, ang lahat ng lead at kinwestyon lahat ng may kinalaman hanggang sa mabawi na nga muli ang jewelry box at mga nilalaman nito.

Bagamat di na nagsampa ng reklamo si Nakamura ay hiniling ni General Manager Eric Ines ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagpapataw ng kaukulang parusa sa sinumang mapatunayang may ginawang pagkakamali kaugnay ng insidente.


Buong-ningning din na pinuri ni GM Ines ang NAIA Terminal 3 Police at Surveillance teams dahil sa kanilang dedikasyon na maresolba ang kaso.

“Even though the victim did not pursue legal action, we are coordinating to ensure that those involved are held accountable. This behavior has no place in our airport,” ani Ines.


Ang mga personnel na naging susi sa matagumpay na pagkakabawi ng mga alahas ay inaasahang bibigyan ng pormal na komendasyon sa darating na flag-raising ceremony, batay sa rekomendasyon ni GM Ines at MIAA Praise Committee.

Binigyang-diin ni Ines ang kahalagahan ng integridad sa hanay ng airport personnel, kasabay ng paalala sa kanila na anumang bagay na kanilang matatagpuan ay dapat na agarang i-report sa Lost and Found section upang matiyak na ito ay maibabalik sa tunay na may-ari.


***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.



Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read