Senators Erwin Tulfo at Kiko Pangilinan sa pagdinig sa Senado.

NAGSINUNGALING SA CONTACTS, CHINESE AGRI-SMUGGLER, PINA-CONTEMPT NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

ISANG mosyon ang inihain ni Senador Erwin Tulfo na nagpapa-contempt sa isang Chinese national at umano’y agricultural smuggler na si Chaoquin Shi, dahil sa paulit-ulit na pagsisinungaling diumano na wala siyang kontak na Pilipino, sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.

Ang mosyon ay isinagawa matapos siyasatin nina Tulfo, kasama ni Committee Chairman Senator Francis “Kiko” Pangilinan at Senator Raffy Tulfo, si Shi, kung sino ang nagpadali sa kanyang mga transaksyon sa negosyo sa Pilipinas.


“I move to cite this person in contempt for continuously lying before this committee. Kanina pa po eh. Niloloko tayo. Wala siyang kakayahan, nag-negosyo siya dito [bilang] isang Chinese, pero walang contact?” mariing pagdidiin ni Tulfo.

Nauna riyan ay binalaan ni Tulfo ang mga ‘resource persons’ sa pagdinig na huwag magsinungaling upang hindi sila magaya sa kinahinatnan ni Juan San Andres, ang Acting Chief of Assessment ng Bureau of Customs-Port of Subic, na kasalukuyang nakakulong sa Senate detention facility.

“Sagutin niyo po kami nang tama—nanumpa po kayo na magsabi ng katotohanan. Gusto niyo ata hong pumasyal sa ibaba, sa aming detention facility, wala naman pong problema. Lahat po kayo kasali rito,” babala ng mambabatas.


Si Shi, na kinilala bilang isa sa mga nangungupahan sa Vigour Freezer at nauna nang hinuli ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa smuggling, ay paulit-ulit na iginiit na mula nang dumating siya sa Pilipinas noong 2017, ay wala siyang naging lokal na kontak.

“Sino ang kinausap mo para sa iyong pasaporte, o para makalibot sa Pilipinas?” tanong ni Senador Tulfo na sinagot naman ni Shi:
“Nang dumating ako dito, wala akong katulong, walang mapagkakatiwalaan.”




Nang tanungin ni Pangilinan kung bakit hindi siya dapat isailalim sa contempt, nagbigay si Shi ng katulad na hindi katanggap-tanggap na sagot: “Wala talaga akong kilala nang dumating ako rito kaya wala akong masabi sa inyo para patunayan na ang sinasabi ko ay totoo. Pumunta lang ako dito dahil sa aking kaalaman na gusto kong gawin ang ganitong uri ng negosyo, pero wala talaga akong kilala. Kahit gusto kong gawin ang negosyong ito, wala akong sinuman na makakatulong sa akin.”

Hindi ito naging sapat para sa Komite, kaya opisyal na isinailalim si Shi sa contempt.


Samantala ay hinikayat din ni Sen. Erwin ang Bureau of Immigration (BI) na makipag-ugnayan sa Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), upang manatili si Shi sa Senate detention facility sa halip na sa BI Warden’s Facility.

Si Shi, isang Chinese national at nagbabayad para sa Freezer No. 8 sa Vigour Global Freezer, ay dinakip ng BI sa paliparan habang nagtatangkang tumakas. Inaresto siya dahil sa paglabag sa kanyang 9(g) visa o long-term work visa bago siya humarap sa pagdinig ng Senado.



Tags: Senator Erwin Tulfo

You May Also Like