BINAWI na ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) ang License to Own and Possess Firearm (LTOPF) maging ang firearm registration at permit to carry ni Wilfredo Gonzales ang retiradong pulis na nag viral dahil sa pananakit at panunutok ng baril sa isang siklista sa Quezon City.
Sa inilabas na pahayag ng PNP, ipinag utos na ng Firearms and Explosives Office ang pag revoke sa License To Own and Possess Firearm (LTOPF), Firearm Registration (FR) at Permit To Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ni Gonzales kasunod ng nakitang pagbunot nito ng baril, pagkasa at pagtutok sa hindi naman aramdong siklista malapit sa Welcome Rotonda.
Si Gonzales ay matatandaang nag-viral sa social media matapos manampal, manakit at magkasa ng baril laban sa isang siklista na nakagitgitan nito.
“As a reminder to all licensed citizens, it is of utmost importance to be responsible gun owners at all times. The possession and ownership of firearms are not absolute rights but rather a privilege. The PNP reserves the authority to revoke LTOPF, Firearm Registration and PTCFOR, especially in cases where there are grounds for revocation and cancellation,” ayon sa babala ng PNP Civil Security Group.
Sinasabing naareglo na umano ni Gonzales ang nasabing siklista matapos na magbigay ito ng pahayag sa media kasunod ng ginawa niyang pagsuko sa QCPD.
“Pagkatapos ng komprontasyon na nakita niyo sa viral video, ako at ang siklista ay pumunta kami sa police station kung saan kami ay nagkausap, nagkapatawaran at nagkasundong kalimutan ang nangyari,” ani Gonzales.
“Dinala ng pulis ang siklista sa police station. Doon ay sapilitan siya na pinapirma ng agreement na nagkaayos umano sila at inamin niya na siya ang may mali. Di lang yon — pinagbayad pa sya ng ?500 dahil nagasgasan n’ya ang sasakyan ng ex-pulis,” ani Atty Raymond Fortun, sa kanyang Facebook post.
Sinasabing tinakot na ang siklista kaya ayaw na nitong maghain ng reklamo at maging ang sinasabing vloggers ay tinakot din umano kaya inalis na ito sa kanyang social media account.