Kalaboso ang isang lalaki matapos nitong mag-amok kahapon ng. madaling araw sa 25th St cor Bonifacio Drive, Barangay 653, Port Area, Maynila.
Tinangka pa ng suspek na si Sonny Boy Conchas, alyas Richard, na takasan ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nanita sa kanya nang magtatakbo ito habang pinapasuko.
Gayunman, naaresto rin ang suspek matapos na makorner nang abutan ng mga pulis.
Nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga tauhan ng Port Area Police Community Precinct alas-3 ng madaling araw nang makita na nagtatakbuhan ang mga tao.
Pinuntahan ng mga pulis ang lugar at dito nila inabutan ang suspek na nagsisigaw na parang may hinahamon ng away.
Maingat na nilapitan at saka pinasuko ng mga pulis ang suspek pero sa halip na sumuko ay kumaripas ito ng takbo pero inabutan pa rin siya ng. mga humabol na pulis.
Nasa kustodiya ng MPD-Police Station 13 ang suspek na sinampahan ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms Law and Ammunitions) at BP 881 (Omnibus Election Code) sa Manila Prosecutors Office.














