Nadiskubre ng Manila Police District (MPD) na wanted sa dalawang kaso ng pagpatay, ang nasawing rider matapos na makipagbarilan sa mga tauhan nMPD Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU) noong Biyernes.
Ang nasawing si Wilfredo Marquez Jr., na wanted sa kasong double murder dahil sa pagpatay sa isang pastor at kasama nito sa bayan ng Tumauini, Isabela ay sakay ng isang motorsiklo kasama ang isa pang suspek na si Bobby Alconera nang sitahin ng mga pulis Maynila sa isang checkpoint.
Nang makababa ng motorsiklo,bumunot ng baril si Marquez at pinaputukan ang mga pulis na nagresulta ng palitan ng putok at pagkamatay ni Marquez.
Ayon kay MPD Director Brig. Gen. Andre Dizon , walang balak magpahuli ang dalawang sakay ng motorsiklo na sinita ng mga pulis dahil sa tampered na plaka.
Hinala rin ni Dizon na miyembro ang dalawa ng gun-for-hire group.
Sa naganap na engkuwentro, apat ang nasugatan, kabilang ang dalawang pulis na sina P/Cpl. Raymark Laurena at P/Cpl. Raymond Ocampo , Alconera at isang tricycle driver.
Napatay din ang isang babae na nakilalang si Rosemarie Depaudho matapos tamaan ng ligaw na bala.
Ayon kay Dizon nagbigay na umano sila ng tulong sa biktima.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Dizon ang publiko na umiwas sa mga delikadong sitwasyon, gaya ng nangyaring shootout. Napansin kasi umano na may ibang bystander pang nag-video at nanood sa nangyaring engkuwentro.
Nalaman na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso matapos na malaman na ang isa sa mga baril na ginamit ng mga suspek ay pag-aari ng isang pulis na nakatalaga sa Calabarzon region.